SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAANGKIN ng bagong vocalist ng Orient Pearl na si Ney Dimaculangan ang mga awiting dating si Naldy Padilla ang kumakanta para sa grupo. Si Ney ang bagong bokalista ng Orient Pearl na 20 years nawala sa limelight. Sila iyong alternative rock band noong ’90s na nagpasikat sa mga awiting Pagsubok, Cry in the Rain atbp.
Gusto kasi ng grupong kinabibilangan nina Third Caez III, Budz Beraquit, Ryan Gomez, at Leo Awatin na maangkin at mawala iyong tunog Naldy sa muli nilang pagpaparinig ng musika. Na siya namang nangyari kaya nga agad nakuha ang kanilang atensiyon nang magpadala ng audition piece si Ney na dating vocalist ng 6cyclemind.
Nag-react out sila kay Ney para sa isang jamming session at ayun nag-click sila. “It was a marriage made in heaven,” anang grupo.
At sa muling paglabas ng grupo, marami pa rin ang nakakakilala sa kanila. Kaya naman ganoon na lamang ang kanilang katuwaan.
Anila nang makausap namin sa media conference kamakailan na isinagawa sa 12 Monkeys Bar sa Estancia Mall, may blessings mula kay Naldy ang pagkuha nila ng bagong bokalista. Hindi na raw umubra si Naldy para maging bokalista nila dahil may iba na iyong priority.
“Bumalik kami kasi talaga namang gusto naming mag-share ng music sa masa. Kasi ‘yun talaga ang pangarap namin. Kaya kami nagbanda para mabigyan ng inspiration ang mga masa. Ma-uplift sila, ma-empower sila through music,” ani Leo.
At sa pagpapakila kay Ney, kasabay ang pagre-record nila ng bagong kanta, ang Langit na mapakikinggan na sa digital streaming platforms. Kasama sa pagre-record ng Langit ang mga top sound engineer na sa music industry na si Angelo Razul at ang Love One Another Studio kaya naman talagang perfect ang lumabas na kanta.
At dahil bago ang vocalist hindi imposibleng maikompara si Ney kay Naldy. At okey lang naman daw iyon at aware siya sa reaksiyong ito ng netizens.
“‘Matic naman ‘yan. Sabi ko nga, you cannot please everyone so automatic na response ng tao ‘yon even though kahit maganda minsan, natural lang ‘yan. So you just have to ano, make sense kung tama ba ‘yung comment nila and you can use it positively. Or if it’s a negative thing, exit na lang sa kabila.
“So ganoon na lang and basta as long as your intention is pure, wala kang sinasagasaang tao, I guess ‘yun ‘yung pinakamahalaga,” wika ni Ney.
Ang Orient Pearl ay nasa pangangalaga ni Jaworski Garcia ng BLKSHPMNL na aniya’y dream come true na maalagaan ang ina-idolize niyang grupo.
“Since ang nagma-manage kay Ney ay ako, they approached me na i-manage ko na rin sila (band),” pagbabahagi ni Jaworski.
“‘Yung song na ‘Pagsubok,’ themesong ko sa buhay ‘yan. Sila ‘yung second band na na-book ko when I was like in college ‘Yun kasi ang trabaho ko before. Very meaningful sa akin ang banda. Dream come true for me, handling the band I idolize. Si Ney is a perfect fit,” pagmamalaki pa ni Jaworski.
Sa kabilang banda, hindi rin inaasahan ni Ney na makukuha at makakasama siya sa Orient Pearl.
“Sobrang bilis ng pangyayari. Nagpa-audition sila online. Sabi ko, sige nga. Nakapambahay pa ako noon. Nag-video ako. Sinend ko. May tumawag na parang ini-invite na ako na makipagkita. Ganoon ang nangyari. Galing pa ako ng Pangasinan. Eventually nag-usap-usap kami. Nakapag-jam naman kami and wala naman silang reklamo. They decided na ito na ‘yung start.”
At sa mga nangtatanong kung nariyan pa ba ang iniwan niyang banda, ang cyclemind, aniya, “Nandiyan pa ang 6cyclemind. To put it simple, it was the only choice given to me. roon nagsimula. It was the (previous) management who gave me that option (para umalis) and told me to create a new band.
“After that five years sa new band, kailangan ko na ring umalis sa management. Parang ang hirap sagutin na kailangan mo pang magsalita. Baka i-judge ka pa ng mga tao. Para sa akin, it’s an old thing na, so, ang mahalaga is we respect each other,” giit pa ni Ney.