NASUKOL ng mga awtoridad ang isang babaeng nakatala bilang high value individual (HVI) at pinaniniwalaang talamak na tulak ng ilegal na droga sa isinagawang anti-illegal drug operation sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes ng gabi, 3 Hunyo.
Sa ulat ni P/Col. Diosdado Fabian, acting city director ng Angeles CPS, nagkasa ng buy bust operation ang mga elemento ng SDEU ng Angeles CPS 1 at CIU, ACPO sa bahagi ng McArthur Highway, Brgy. Pulungbulu, sa naturang lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Norainah Sarosong, alyas Aina, 25 anyos, vendor, residente sa Gumamela St., Pabalan, Brgy. Manibaug, Porac, Pampanga.
Nakompiska mula sa suspek ang dalawang selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000; isang wallet, at isang pirasong P500 bill na ginamit na marked money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inihahanda na para ihain sa korte. (MICKA BAUTISTA)