HINDI itinago ni Gari Escobar na mismong kaibigan pa niya ang nag-discourage sa kanya na ituloy ang singing career.
Ani Gari nang minsang makahuntahan namin ito, ”sinabi nila na late na raw (singing career) pati ‘pag-voice lesson ko. Sabi nila, ‘di ba pare matanda ka na para riyan?’ Considering na ‘yung nagsabi niyon sa akin eh very close sa akin, kumbaga, parang nanay-nanayan ko.”
Pero hindi iyon hinayaan ni Gari na mangyari. Nasabi niya sa sarili, “Sabi ko, kailan pa? ‘Pag-70 na ako magsisisi ako?
“Sabi ko hindi ko sila dapat pakinggan. Kasi ang idol ko ngang si Michael Jackson, 54 na nagsasayaw pa. Eh kaya ko ring magsayaw, mahilig din akong magsayaw. Isa ‘yun sa plano ko in the near future,” sambit pa ni Gari.
Sinabi pa ni Gari na marami siyang plano bukod sa pag-compose at pagkanta. ”Marami pa akong gustong gawin. Gusto kong sumayaw habang kumakanta. Parang Gary Valenciano.
“Gusto ko ring gumawa ng songs na mga upbeat kasi ‘yung mga nauna kong nai-record mga malulungkot, ballad. Kasi ang nangyari sa akin tuwing nade-depress ako noon, nagsusulat ako. Malungkutin kasi ako noong bata. Kapag nalulungkot ako noon lalo na kapag may nambu-bully sa akin, isinusulat ko. Nasabi ko nga noon na balang araw magiging kanta ito,” pagbabahagi pa ni Gari.
Na nagkatotoo naman dahil nakagawa siya ng isang buong album sa tulong mga tamang tao tulad ni Vehnee Saturno.
At kung sa unang album niya ay malungkot, masaya at danceable naman ang kasunod.
“Masayang spirit na ako ngayon. ‘Yung malulungkot ko pang naisulat na ‘di pa naire-record, lalagyan ko na lang ng upbeat music. Ayaw kong iiyak na lang ng iiyak ang mga makikinig,” masayang sabi ni Gari.
Bakit nga ba ngayon lang nag-launch si Gari ng recording career? ”Humina ang loob ko noon dahil tinutukso ako sa hitsura ko. Nalait din sa pag-ibig nang minsang subukang manligaw. Dahil dito ‘yung pangarap na iyon naapektuhan, nawala.
“Until nagkaroon ako ng business, kinailangan ng jingle kaya nagpagawa ako. Sa kuwentuhan namin ng gumagawa ng jingle, napag usapan ang hilig ko sa pagsusulat. Ipinakita ko ‘yung ginawa ko nagandahan sila. Tapos inalok akong i-record namin. Tapos naiparinig ko kay Vehnee Saturno at tinanong ako kung ilang songs ang gusto ko, ayun, nagtuloy-tuloy na,” kuwento pa ng singer-composer at businessman.
Tama lang naman na maging masaya si Gari dahil bukod sa nakabuo siya ng album, na-nominate rin siya sa Aliw Awards 2020 bilang Best Pop Artist of the Year. Itinanghal din siyang Best New Male Recording Artist of the Year sa 11th PMPC Star Awards for Music sa komposisyon niyang Baguio. Itong awiting ito ang carrier single ng debut album niya na ini-release ng Ivory Music & Video na co-produced nga nila ni Vehnee.
Bukod sa pagko-compose, abala rin si Gari sa kanyang online video shows na nagbibigay inspirasyon sa fans, supporters, at viewers para magkaroon ng productive at maayos na pamumuhay.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio