PADAYON
ni Teddy Brul
SA BAWAT LINGGO, tila naging normal na ang biglaang taas-baba ng presyo ng gasolina at diesel—isang siklo na paulit-ulit na ipinapaliwanag sa iisang linya: tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ngunit kung susuriing mabuti, hindi sapat ang ganitong paliwanag. Sa likod ng bawat pagtaas, unti-unting lumilitaw ang mas malalim na usapin—ang malakas na impluwensiya ng interes ng malalaking kompanya ng langis sa paggalaw ng presyo.
Madaling ituro ang digmaan, alitan, at geopolitika bilang dahilan. Ngunit sa lokal na konteksto, may sariling galaw ang industriya ng langis—isang galaw na hindi laging nakaangkla sa aktuwal na galaw ng pandaigdigang merkado.
Ayon sa mga economic analyst, ang malalaking oil companies sa Filipinas ay may hawak na imbentaryo ng hindi pa ipinoprosesong langis na maaaring tumagal nang dalawa hanggang tatlong buwan. Ibig sabihin, ang kasalukuyang ibinebentang produkto ay hindi naman agad-agad naaapektohan ng bagong presyo sa pandaigdigang merkado.
Kung gayon, bakit tila instant ang pagtaas ng presyo sa mga gasolinahan? Bakit ang konsyumer ang agad na sinisingil ng “future cost” samantala ang ginagamit na suplay ay binili sa mas murang halaga? Nagbubukas ng tanong: “Kung ang pagpepresyo ba ay ganap na nakabatay sa aktuwal na gastos, o may iba pang salik tulad ng target na kita ng mga kompanya?”
Sa pandaigdigang antas, hindi rin maituturing na krisis ang kasalukuyang galaw ng presyo ng krudo. Ang Brent crude ay nasa pagitan lamang ng $75 hanggang $90 kada bariles—malayo sa higit $120 na naitala noong mga nakaraang krisis.
Dagdag rito, ipinapakita ng datos mula sa International Energy Agency na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa mundo, bunsod ng strategic reserves at pagtaas ng produksiyon mula sa mga bansang hindi kasapi ng OPEC.
Sa madaling salita, hindi sapat ang global factors para ipaliwanag ang tindi ng pagtaas sa lokal na presyo. Kung may krisis man, tila may kakulangan sa mas mahigpit na regulasyon at malinaw na mekanismo ng pananagutan.
Dito pumapasok ang mahalagang usapin ng fuel price unbundling—isang mekanismong dapat sana’y nagsisilbing salamin ng tunay na halaga ng bawat patak ng langis.
Sa ilalim ng Department Circular DC2019-05-0008 ng Department of Energy (DOE), inaatasan ang mga kompanya ng langis na ilahad ang detalyadong breakdown ng presyo: mula sa import cost, freight at insurance, foreign exchange adjustments, buwis gaya ng excise tax at VAT, biofuel blending, hanggang sa kanilang sariling margin para sa refining, storage, at marketing.
Ngunit bakit tila nananatiling malabo sa publiko ang tunay na komposisyon ng presyo? Bakit sa kabila ng mandato at maging ng desisyon ng Korte Suprema na pumanig sa transparency, ay patuloy ang pagtutol ng mga kompanya ng langis sa mas malinaw na pagbubunyag ng kanilang cost components at margins alinsunod sa umiiral na regulasyon?
Ang sagot ay malinaw: dahil ang transparency ay maaaring magbunyag ng tunay na estruktura ng kita at gastos sa industriya.
Kapag nabuksan ang tunay na presyo, makikita kung gaano kalaki ang bahagi ng kita kompara sa aktuwal na gastos. Maaaring masuri kung ang mga pagtaas ay ganap na naaayon sa galaw ng merkado o nangangailangan ng masusing pagsusuri.
Hindi nakapagtataka kung bakit nagpupuyos ang galit sa hanay ng transport sector. Sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike, muling kumikilos ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang ipahayag ang kanilang pagtutol.
Isang malawakang transport strike ang kanilang ilulunsad sa Huwebes (bukas) —hindi lamang bilang protesta, kundi bilang maigting na panawagan para sa agarang ginhawa.
Hiling nila ang pagtanggal ng VAT, excise tax, at iba pang buwis sa langis—mga buwis na lalo lamang nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan.
Hinihiling din nila ang rollback ng presyo sa ₱55 kada litro—isang presyong sa kanilang pananaw ay mas makatuwiran at makatarungan.
Hindi biro ang kanilang lakas. Tinatayang aabot sa 100,000 miyembro—mga tsuper at operator mula sa iba’t ibang panig ng bansa—ang takdang lalahok sa kilos-protesta. Ito ay malinaw na indikasyon na ang krisis sa presyo ng langis ay hindi na lamang usapin ng ekonomiya, kundi usapin na ng kabuhayan at dignidad.
Samantala, ipinapakita ng datos ng DOE na mula Marso 10 hanggang 16, 2026, ang presyo ng gasolina ay umabot sa ₱63.40 hanggang ₱75 kada litro; ang diesel mula ₱70.95 hanggang ₱91; at ang kerosene mula ₱85 hanggang ₱134.89 kada litro. Sa bawat sentimong dagdag, katumbas nito ang bawas sa kakayahan ng pamilyang Filipino na maglaan para sa pagkain, edukasyon, at iba pang batayang pangangailangan.
Sa gitna ng lahat, nananatiling malaking usapin ang Oil Deregulation Law—isang batas na nagbigay ng malawak na kapangyarihan sa mga kompanya ng langis upang magtakda ng presyo nang halos limitado ang direktang interbensiyon ng pamahalaan sa pagpepresyo sa ilalim ng umiiral na polisiya. Para sa maraming sektor, panahon na upang muling suriin—kung hindi man tuluyang ibasura—ang batas na ito.
Sapagkat sa huli, ang tanong ay hindi lamang kung bakit tumataas ang presyo ng langis. Ang mas mahalagang tanong: sino ang tunay na nakikinabang?
Sa panahong ang manggagawang Filipino ay hirap na hirap na sa araw-araw na gastusin, hindi maaaring manatiling tahimik ang pamahalaan. Hindi maaaring gawing palusot ang pandaigdigang tensiyon upang pagtakpan ang posibleng hindi patas na pasanin sa mga konsyumer… at patuloy na lumalaking kita ng sektor ng langis.
Ang kailangan ng bayan ay malinaw: makatarungang presyo, ganap na transparency, at pananagutan mula sa mga kompanyang patuloy na nagkakamal ng tubo sa gitna ng krisis. Dahil ang langis ay hindi lamang kalakal—ito ay buhay. At ang buhay ng bawat Filipino ay hindi dapat ‘ginagawang puhunan’ ng iilan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com