Thursday , June 11 2026
Digmaan wakasan - Pope Leo XIV PAPEL NA TAGAK ITINIKLOP MGA BATA NAG-ALAY NG DASAL PARA SA KAPAYAPAAN

Digmaan wakasan – Pope Leo XIV
PAPEL NA TAGAK ITINIKLOP MGA BATA NAG-ALAY NG DASAL PARA SA KAPAYAPAAN

PROJECT 8, Lungsod Quezon — Dose-dosenang mga bata ang nagsama-sama upang magtupi ng 1,000 paper crane o Tagak na papel, mag-alay ng panalangin, at sumulat ng mga mensahe ng pakikiisa bilang tugon sa panibagong panawagan ni Pope Leo XIV para sa pandaigdigang kapayapaan at pagtatapos ng digmaan.

Isinagawa ang aktibidad na pinamagatang “Crane, Flowers and Prayer for Peace” sa Our Lady of Perpetual Help Parish sa kahabaan ng Jersey Street sa Project 8, Lungsod Quezon.

Pinangunahan ito ni parish priest Fr. Robert Reyes, katuwang ang mga boluntaryo ng simbahan na gumabay sa mga kabataang parishioner at mga mag-aaral mula sa The John Dewey School for Children sa pagtitiklop ng makukulay na papel upang maging crane—isang gawaing hinango sa kuwento ni Sadako Sasaki, isang batang biktima ng bomba atomika sa Hiroshima.

Naging pandaigdigang simbolo ng kapayapaan si Sadako matapos makapagtipon ng mahigit 1,000 origami crane habang nilalabanan ang leukemia dulot ng radiation. Nakaugat ito sa paniniwalang Hapones na ang crane ay nabubuhay nang isang libong taon, na sumasagisag sa pag-asa, paggaling, at mithiin para sa kapayapaan.

Ang 1,000 paper crane ay inilagay sa limang telang bag na may nakapintang letrang “PEACE” sa bawat bag na kalakip ang mga liham ng pakikiisa. Ipapadala ito sa Santo Papa bilang mensahe mula sa mga batang Filipino para sa mga bata sa buong mundo, paliwanag ni Fr. Reyes.

Binigyang-diin ni Reyes na ang aktibidad ay isinasagawa habang patuloy ang panawagan ni Pope Leo XIV na agarang itigil ang mga armadong tunggalian, kabilang ang umiiral na tensiyon na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Aniya, mahalaga ang partisipasyon ng mga bata sapagkat sila ang madalas na inosenteng biktima—walang laban at walang kinalaman sa digmaan. “Ang digmaan ay walang saysay at walang patutunguhan,” diin ng pari.

Ipinahayag din ng parokya at ng Diocese of Cubao ang buong suporta sa panawagan ng Papa sa mga pinuno ng mundo na talikuran ang karahasan at pairalin ang diyalogo, binibigyang-diin na ang digmaan ay lalo lamang nagpapalalim ng pagdurusa—lalo na sa kabataan at sa mga higit na bulnerable.

Para sa mga tagapag-organisa, ang simpleng pagtitiklop ng paper crane ay higit pa sa simbolo—ito ay isang sama-samang panalangin na sana’y marinig ang tinig ng mga bata, na kadalasang pinakanaaapektohan ng mga sigalot, sa isang mundong patuloy na nahihirapang piliin ang kapayapaan kaysa digmaan. (TEDDY BRUL)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

Asia Pacific Padel Cup APPC Padel Pilipinas

Pilipinas nakatakdang mag-host ng Asia Pacific Padel Cup 2026

HANDA na ang lahat para sa Asia Pacific Padel Cup (APPC) 2026, habang naghahanda ang …

Arrest Posas Handcuff

Most wanted na manyakis, arestado

NAARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaki na matagal nang nagtatago sa batas dahil sa …

DPWH Bulacan

Sa maanomalyang flood control projects  
2 Bulacan DPWH Officials sumuko kalaboso na kasama ni Discaya

ni MICKA BAUTISTA DALAWA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan …

061026 Hataw Frontpage

Pagkalunod sa Aurora kinukuwestiyon ng ina
2 ATENEO STUDENT-ATHLETES PATAY SA TEAM BLDG ACTIVITY

HATAW News Team DALAWANG mahuhusay na basketbolista ng Ateneo de Manila University (AdMU) Men’s Basketball …

MMDA Gabriel Go

MMDA pinalalakas ang clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila

TINALAKAY ni MMDA Special Operations Group (SOG) Chief Gabriel Go ang patuloy na pagpapatupad ng …