Friday , June 12 2026
PADAYON Teddy Brul

Sahod itaas!
KRISIS ‘WAG IPAPASAN SA MGA MANGGAGAWA

KAPAG tumataas ang presyo, dapat tumataas din ang sahod—anumang kakulangan dito ay hindi simpleng pagkukulang, kundi tahasang pagnanakaw sa uring manggagawa.

Sa buong bansa, walang tigil ang pag-arangkada ng presyo ng pangunahing bilihin, pasahe, koryente, at tubig. Bawat sentimong idinadagdag ay katumbas ng bawas sa hapag-kainan ng milyon-milyong pamilya. Sa gitna nito, nananatiling lugmok ang sahod—hindi na pangkabuhayan, kundi pangtawid-gutom na lamang.

Sa bawat krisis, iisa ang tanong: bakit manggagawa ang laging tagasalo?

Paulit-ulit ang parehong siklo. Tumataas ang presyo, nananatiling nakapako ang sahod. Kung may umento man, kulang, huli, at halos walang saysay. Samantala, patuloy ang paglobo ng kita ng malalaking negosyo—kita na hinugot mismo sa pawis at lakas ng paggawa.

Ayon kay Rene Magtubo, Tagapangulo ng Partido Manggagawa, ang panukalang ₱200 dagdag-sahod na inihain sa Kongreso ay hindi pa nga maituturing na living wage. Ito’y simpleng pagbawi lamang sa kinain ng implasyon.

“Ito ay wage recovery lang, hindi pa living wage. Kaunting ginhawa lamang,” ‘ika niya.

Malinaw sa datos: sa Metro Manila, kung saan nasa ₱610 ang minimum wage, may kakulangan pa rin na ₱587 kompara sa Family Living Wage para sa pamilyang may limang miyembro. Ibig sabihin, kalahati lamang ng tunay na pangangailangan ang natutugunan ng sahod.

Kalahating buhay—iyan ang ipinapataw sa manggagawa.

Kaya’t ang ₱200 umento ay pansamantalang lunas lamang sa malalim na sugat. Ang tunay na laban ay para sa isang makatarungang living wage—isang sahod na sapat upang mabuhay nang may dignidad. At ito’y hindi kusang ibibigay; ito’y ipinaglalaban sa sama-samang pagkilos.

Ngunit higit pa sa umento, naroon ang mas ugat ng problema: ang regional wage system sa ilalim ng Republic Act No. 6727. Ang batas na ito ang nag-institusyonalisa ng hindi pantay-pantay na sahod sa iba’t ibang rehiyon—isang sistemang nagpapahintulot na mas mababa ang kita sa probinsiya kahit halos pareho ang gastos sa pamumuhay.

Hindi ito simpleng polisiya—ito ay sistematikong pagsasamantala.

Pareho ang presyo ng bigas, koryente, at tubig. Pareho ang lakas-paggawang ibinubuhos. Ngunit magkaiba ang sahod. Nilalabag nito ang prinsipyong “equal pay for work of equal value,” lahad ni Magtubo.

Sa kasalukuyan, may manggagawang tumatanggap lamang ng ₱412 sa isang rehiyon, habang higit ₱600 sa Metro Manila—kahit pareho ang trabaho.

Hindi ito makatarungan. Isa itong anyo ng legalisadong diskriminasyon sa sahod.

Kaya malinaw ang panawagan ng kilusang paggawa: buwagin ang regional wage boards at ibalik ang pambansang sistema ng pagtatakda ng sahod—isang sistemang tunay na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay.

Mas matingkad ang pagsasamantala sa mga export processing zone, tulad sa Cavite. Sa pinakahuling datos ngayong 2026, ang Cavite Economic Zone ay may tinatayang 64,000 hanggang 68,000 manggagawa sa mahigit 800 kompanyang nagpapatakbo sa iba’t ibang economic zone sa lalawigan.

Sa kabila ng bahagyang mas mataas na sahod kaysa minimum, ipinagkakait naman umano ang batayang karapatan—ang mag-unyon.

Sa ngalan umano ng “pagprotekta sa dayuhang pamumuhunan,” pinipigil ang kolektibong tinig ng manggagawa.

Samantala, ang mga kompanyang ito ay pinagkakalooban pa ng tax breaks at samot-saring insentibo.

Kaninong interes ang tunay na pinaglilingkuran?

Ang ekonomiyang pinatatahimik ang manggagawa habang pinapaboran ang kapital ay hindi makatarungan. Ang kaunlarang nakasalalay sa mababang sahod at supresyon ng karapatan ay huwad—ito’y kaunlaran para sa iilan, kapighatian para sa nakararami.

Sa huli, simple ngunit makatarungan ang panawagan:

Itaas ang sahod sa antas na tunay na nakabubuhay.

Wakasan ang hindi pantay na pasahod.

Igalang at ipaglaban ang karapatan ng manggagawa.

Sapagkat sa bawat pagtaas ng presyo ng bilihin at bayarin, lalong umiigting ang pasanin ng uring anakpawis. Hindi sila ang may gawa ng krisis—ngunit sila ang pinagbabayad.

Sa panahon ng krisis, hindi dapat manggagawa ang nagdurusa—sila ang dapat umaangat.

Panahon nang baguhin ang takbo ng laban.

Magkaisa. Mag-organisa. Lumaban.

Itaas ang sahod—at ang antas ng pakikibaka ng uring manggagawa, na ang tanging yaman ay ang kanyang lakas-paggawa.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga Araw ng Ulan at Araw ng Baha

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. NAGSIMULA na ang School Year 2026–2027 kasabay ng tag-ulan. …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Chiz dumating sa plenaryo
ANO ANG NASA LIKOD NG KANYANG DESISYON

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA GITNA ng mga nagkakasalungatang kampo sa Senado, madaling mawala sa …

Sipat Mat Vicencio

Peke ang Blue Ribbon Committee hearing ni Matet

SIPATni Mat Vicencio “HINDI na po ako papayag na mag-hearing-hiringan kayo riyan, and I will …

Editorial

Senado ipungsoy senators pausukan

MARAMI ang nagsasabing dapat ipa-feng-shui ang gusali ng Senado at ‘yung mga senador naman pausukan …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Tulog na batas sa Senado, ‘wag isisi sa bagong liderato

AKSYON AGADni Almar Danguilan PAANO na ang mamamayang Filipino? Paano na ang mga nakabinbing batas …