APRUBADO ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Michael, ang pinakaaabangang biopic tungkol sa buhay ng tinaguriang King of Pop.
Bida sa pelikula ang pamangkin ni Michael na si Jaafar Jackson, na kapansin-pansin ang pagkakahawig sa yumaong pop icon.
Binigyan ito ng PG rating ang Michael na ang ibig sabihin, puwedeng panoorin ng mas batang viewers basta may gabay ng magulang.
Sa pelikula, masisilayan ang paglalakbay ni Michael mula sa pagiging child star kasama ang The Jackson 5 hanggang sa pagiging isa sa pinakamalaking pangalan sa entertainment industry.
Bahagi ng buhay ng maraming Pinoy noon ang albums ni Michael tulad ng Thriller, Bad at Dangerous, pati ang mga hit song na Billie Jean at Beat It. Siyempre, hindi rin mawawala ang legendary moonwalk na ginaya ng marami.
Bukod sa Michael, kasama rin sa bagong lineup ang Decadence, isang sexy drama-romance film na eksklusibo sa Megaworld Cinemas. Ito ay may R-18 rating kaya para lamang sa adult viewers.
Sa SM Cinemas naman, mapapanood ang Mother Mary tampok si Anne Hathaway. Ang psychological thriller ay may R-16 rating.
Isa pang mainit na entry ang Rosemead, isang crime-drama thriller sa Robinsons Movieworld tampok sina Lucy Liu, Lawrence Shou, at Orion Lee. Rated R-16 din ito.
Para sa anime fans, showing din ang Gintama on Theater 2D na may R-13 rating, habang ang One OK Rock concert film ay may PG rating para sa music lovers.
Ani MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, bahagi ng kampanya ng ahensya para sa Responsableng Panonood ang wastong classification ng mga pelikula.
“Sa pamamagitan ng malinaw na classifications, natutulungan namin ang mga pamilya na malaman kung ano ang angkop panoorin habang binibigyan din ng espasyo ang filmmakers na ikuwento ang kanilang mga obra nang responsable,” ani Sotto.
Dagdag pa ni Sotto, mahalaga pa rin ang paggabay ng mga magulang lalo na sa digital age na mas madaling ma-access ang iba’t ibang content.
“Nagsisimula ang Responsableng Panonood sa tahanan. Hinihikayat namin ang mga magulang at guardians na gamitin ang ratings bilang gabay, lalo na ngayong mas madali nang mapanood ang content sa iba’t ibang platforms,” dagdag pa.
“Sa digital world ngayon, available ang content anumang oras at saanman. Kaya mahalagang malaki ang papel ng mga magulang at guardians sa paggabay sa mga kabataan,” aniya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com