SA UNANG parliamentary election, ibang political landscape ang kailangang maunawaan
May mga pangyayaring napakadaling ipaliwanag sa social media.
Isang putok ng baril sa Cotabato. Isang kaguluhan sa isang polling area. Isang insidente ng umano’y pre-shaded ballots. At biglang may handang kuwento: ito raw ay bahagi ng tunggalian ng mga kampong Duterte at Marcos.
Madali. Mabilis. At higit sa lahat, madaling ikalat.
Ngunit ang Bangsamoro ay hindi ordinaryong political terrain.
Kung susuriin ang mismong estruktura ng pamahalaang itinatag sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, makikita na ang BARMM ay hindi lamang bagong pangalan para sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ito ay isang pagtatangka na maglatag ng ibang anyo ng regional self-government — isang parliamentary system sa loob ng isang autonomous region ng Republika ng Pilipinas.
At dito mahalagang magsimula ang pag-unawa sa makasaysayang halalan noong Setyembre 14.
Ang unang regular parliamentary elections ng BARMM ay hindi lamang pagpili ng mga bagong opisyal. Ito ang mahalagang hakbang mula sa isang transition government tungo sa isang elected parliamentary government.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law, ang legislative power ay nasa Parliament habang ang executive authority ay isinasagawa ng Chief Minister at Cabinet. Ang Chief Minister mismo ay hindi direktang inihahalal ng mga botante gaya ng pangulo o gobernador; siya ay ihahalal ng Parliament.
Ibig sabihin, ibang laro ito.
Hindi lamang personality politics ang dapat tingnan. Hindi lamang kung sino ang malakas sa isang bayan o lalawigan. Hindi lamang kung sinong national politician ang umano’y nasa likod ng isang grupo.
Ang tunay na tanong ay: Paano bubuo ng pamahalaan ang isang Parliament na walang iisang partidong may majority?
Iyan ang unang malaking political test ng bagong Bangsamoro parliamentary system.
Sa 40 party-representation seats, nakakuha ng 16 ang Bangsamoro Federalist Party, 15 ang United Bangsamoro Justice Party, walo ang BARMM Grand Coalition at isa ang Raayat Democratic Party. Dahil walang partido ang umabot sa kinakailangang majority, naging mahalaga ang coalition-building sa pagbuo ng susunod na Government of the Day.
Hindi ito simpleng mathematical exercise.
Sa parliamentary government, ang bilang ng mga kinatawan ay may direktang kaugnayan sa kakayahang bumuo at magpanatili ng pamahalaan.
Kaya ang susunod na yugto ay hindi lamang tungkol sa kung sino ang “malakas.”
Ito ay tungkol sa negosasyon, coalition, legislative program, accountability at governance.
At dito rin dapat maging maingat ang pamamahayag.
May mga insidenteng karahasan na tunay na naganap sa paligid ng halalan. May mga nasawi at nasugatan. Nagkaroon ng problema sa mga balota sa Maluso. Isinailalim ng Comelec sa kanilang control ang Cotabato City at Maluso, Basilan, upang tugunan ang mga problema sa seguridad at integridad ng halalan.
Ang mga ito ay seryosong usapin.
Ngunit seryoso rin ang pagkakaiba ng ulat na nakabatay sa ebidensiya at political speculation na ipinapasa bilang katotohanan.
Kung may nagsasabing ang isang insidente ay bahagi ng pambansang tunggalian ng dalawang political camps, ang tamang tanong ng mamamahayag ay simple:
Nasaan ang ebidensiya?
Sino ang nag-ugnay?
Ano ang dokumentadong koneksiyon?
May imbestigasyon ba?
Ano ang sinabi ng Comelec, PNP, mga lokal na awtoridad at mismong mga partidong sangkot?
At higit sa lahat: ano ang aktuwal na political context sa Bangsamoro?
Sapagkat may sarili itong kasaysayan ng tunggalian, clan politics, party realignment, peace process at paglipat mula armadong pakikibaka tungo sa electoral politics.
Ang unang parliamentary election ay bunga ng mas mahabang proseso kaysa kasalukuyang palitan ng mga pangalan ng mga pambansang political camps.
Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng 2014 peace agreement at ng pagbuo ng BARMM bilang isang autonomous political entity. Ang kasalukuyang halalan ang nagtatapos sa mahabang transitional arrangement kung saan ang Bangsamoro Transition Authority ang nagsilbing interim government.
Kaya marahil ay dapat natin baguhin ang tanong.
Hindi lamang:
“Sino ang kumokontrol sa BARMM?”
Kundi:
“Anong uri ng pamahalaan ang nabubuo sa BARMM?”
At higit pa roon:
“Makakaya ba ng bagong parliamentary system na gawing institusyonal ang politika sa isang rehiyong matagal na hinubog ng armadong tunggalian, political clans, lokal na kapangyarihan at peace negotiations?”
Iyan ang mas malaking kuwento.
At habang naghihintay ang buong bansa sa pagbuo ng coalition at sa halalan ng bagong Chief Minister, marahil ay hindi muna dapat natin ikulong ang Bangsamoro sa makitid na kahon ng Duterte versus Marcos.
May sariling kuwento ang Bangsamoro.
May sariling political transformation.
At ngayon, sinusubok nito kung ang isang bagong sistema ng pamamahala ay kayang maging mas matatag kaysa mga lumang paraan ng pag-aagawan ng kapangyarihan.
Dito dapat nakatingin ang mamamahayag.
Hindi sa ingay ng troll.
Kundi sa ebidensiya, institusyon at kasaysayan.
Padayon! Ibayong linangin ang kasaysayan.
