


PADAYON
ni Teddy Brul
SA GITNA ng tumitinding krisis sa kabuhayan, isang mahalagang usapin sa kalusugan ang tahimik na hinuhubog ng pamahalaan—ngunit maaaring ang pinakaapektado ay yaong mga dapat sana’y pinoprotektahan.
Sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC), kasalukuyang tinatapos ang Philippine Nutrient Profile Model (PNPM)—isang polisiya na layong uriin ang mga nakapaketeng pagkain batay sa rami ng asukal, asin, saturated fat, at trans-fat. Kaakibat nito ang planong paglalagay ng front-of-pack warning labels at paghihigpit sa marketing ng pagkain lalo na sa mga bata. Katuwang dito ang Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO).
Walang dudang seryoso ang layunin. Lumalala ang kaso ng noncommunicable diseases sa bansa—mula sa sakit sa puso hanggang chronic kidney disease—habang patuloy rin tumataas ang obesity sa kabataan. Para sa mga tagapagtaguyod ng kalusugan, ang regulasyon sa pagkain ay isa sa pinakamabisang hakbang upang mapigilan ang ganitong krisis.
Ngunit narito ang masakit na tanong: handa na ba ang bansa—lalo na ang karaniwang pamilyang Filipino—sa agarang pagpapatupad nito?
Ang dilemma ng karaniwang pamilya
Sa papel, makatuwiran ang PNPM. Ngunit sa aktuwal na buhay, ibang usapan ang kakayahan ng mga pamilyang kapos sa kita.
Sa datos mismo, malinaw na ang mahihirap na sambahayan ay gumagastos ng mas malaking bahagi ng kanilang kita sa pagkain—umaabot sa halos 42% ng budget para sa mura at energy-dense na pagkain. Hindi ito dahil sa kakulangan ng kaalaman sa nutrisyon, kundi dahil iyon ang abot-kaya.
Kung ipatutupad agad ang mahigpit na pamantayan, posibleng kalahati ng mga karaniwang produktong pagkain sa merkado ang hindi pumasa. Kapag hindi kayang baguhin ng mga kompanya ang kanilang produkto nang mura, may dalawang posibleng mangyari: tataas ang presyo o tuluyang mawawala sa mga tindahan.
Sa panahong mataas na ang presyo ng pagkain dahil sa pandaigdigang suliranin—mula sa supply chain hanggang sa presyo ng langis—ang dagdag na pasanin ay maaaring magtulak sa maraming pamilya sa mas alanganing kalagayan.
At kapag nawala ang mga pamilyar at murang pagkain? Hindi awtomatikong magiging “mas healthy” ang pagpipilian. Sa halip, maaaring lumipat ang ilan sa mas mura, hindi reguladong pagkain—na hindi rin tiyak ang kalidad at kaligtasan.
Hindi pagtutol—kundi panawagan
sa mas maingat na proseso
Hindi kalaban ang layunin ng polisiya. Ang tunay na isinusulong ay ang tamang proseso at tiyempo.
Dapat bigyang panahon ng DOH at NNC ang mas malawak at makabuluhang konsultasyon—hindi lamang sa mga health advocates, kundi pati sa mga food manufacturers, maliliit na negosyante, siyentipiko sa nutrisyon, at higit sa lahat, mga tagapagtanggol ng kapakanan ng mamimili.
Mahalaga rin hintayin ang kompletong validation mula sa WHO at ang pagsusuri ng lokal na merkado bago tuluyang magtakda ng pamantayan. Kasabay nito, kailangan nang masusing pag-aaral sa magiging epekto ng polisiya—lalo na sa maliliit na negosyo, presyo ng pagkain, at akses ng mahihirap na konsyumer.
Ang puso ng usapin
Sa huli, isang malinaw na katotohanan ang dapat harapin: ang mga pamilyang nais protektahan ng polisiya ay siyang maaaring unang tamaan nito.
Kung ang layunin ay kalusugan ng bayan, hindi sapat ang tama sa teorya. Dapat itong maging makatarungan sa realidad—lalo na sa hapag-kainan ng karaniwang Filipino.
Sa laban para sa mas malusog na bansa, hindi dapat mapag-iwanan ang mga kapos sa kakayahan. Dahil ang tunay na reporma, hindi lamang nagtatama ng sistema—iniingatan din nito ang tao.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com