Ang mga Limot na Bayani ng Rebolusyong 1896 (Unang Bahagi)

PADAYON Teddy Brul

PADAYON
ni Teddy Brul

KAPAG pinag-uusapan ang Rebolusyong 1896 at ang National Heroes Day na ipagdiriwang natin sa huling Lunes, 31 Agosto, awtomatikong naiisip ng marami sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo.

Kilala natin ang kanilang mga mukha, ang kanilang kabayanihan at maging ang kanilang mga huling sandali.

Ngunit alam ba natin na sa likod ng mga kilalang pangalan ay naroon ang libo-libong ordinaryong Filipino — mga manggagawa, magsasaka, kawal, at mga karaniwang kasapi o pinaghihinalaang kasangkot sa kilusang rebolusyonaryo — na dumanas din ng matinding pag-uusig at pagpapahirap sa kamay ng kolonyal na pamahalaang Espanyol?

Marami sa kanila ang hindi nakaukit sa mga bantayog. Hindi sila madalas makita sa mga aklat. At ang ilan ay namatay nang malayo sa kanilang pamilya at sariling bayan.

Sila ang mga deportados o desterrados — mga ipinatapong Filipino sa malalayong bahagi ng imperyong Espanyol, kabilang ang Guam at mga isla sa Micronesia.

Panahon na upang balikan natin ang kanilang mga bakas.

Ang Unang Alon: Ang Pag-aalsa sa Cavite, 1872

Bago pa man sumiklab ang Rebolusyong 1896, nasaksihan na ng mga Filipino ang marahas na paggamit ng kolonyal na kapangyarihan laban sa mga pinaghihinalaang kalaban nito.

Noong 20 Enero 1872, naganap ang Cavite Mutiny sa arsenal ng Cavite. Tinatayang 200 sundalong Filipino at manggagawa ang nag-aklas sa Fort San Felipe. Kabilang sa mga kinikilalang pinuno ng pag-aalsa si Sarhento Fernando La Madrid.

Mabilis na napuksa ng mga Espanyol ang pag-aalsa. Ngunit higit pa sa mismong mutiny ang naging epekto nito.

Ginamit ito ng kolonyal na pamahalaan bilang batayan sa malawakang pagsupil sa mga Filipino — lalo yaong mga pinaghihinalaang sumusuporta sa mga kilusang reporma. Isa sa pinakamabigat na kinahinatnan nito ang paglilitis at pagbitay kina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang tatlong paring naging tanyag sa kasaysayan bilang Gomburza.

May iba pang Filipino na hinuli, ikinulong, hinatulan o ipinatapon sa iba’t ibang bahagi ng imperyong Espanyol, kabilang ang Guam. Ang pagpapatapon ay naging isa sa mga paraan ng kolonyal na pamahalaan upang ilayo ang mga itinuturing na banta sa kanilang kapangyarihan.

Mula 1872 Patungong 1896

Pagkaraan ng mahigit dalawang dekada, muling sumiklab ang malawakang paglaban sa kolonyal na pamahalaan.

Nang mabunyag ang Katipunan noong Agosto 1896, naging mas marahas ang kampanya ng Espanya laban sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo at kanilang mga simpatisador.

Hindi lamang mga mandirigma sa larangan ang naapektohan. Maraming Filipino ang inaresto, ikinulong at ipinatapon. Kabilang sa mga destinasyon ng mga bilanggo at deportado ang Guam at mga isla sa Caroline Islands sa Micronesia.

Sa ganitong paraan, ang pagpapatapon ay naging bahagi ng mas malawak na mekanismo ng kolonyal na pagpaparusa — ang paglayo sa mga pinaghihinalaang kalaban mula sa kanilang komunidad at sa sentro ng rebolusyonaryong pagkilos.

Ang Madugong Gabi sa Hagåtña, Guam

Dito naganap ang isa sa pinakamalagim ngunit hindi gaanong napag-uusapang yugto ng kasaysayan ng mga deportadong Filipino.

Noong 11 Setyembre 1896, dumating sa Guam ang 57 Filipino bilang political prisoners. Noong 17 Disyembre naman, dumating ang barkong Saturnus na may dalang mahigit 200 bilanggo at disciplinarios, kabilang ang ilang deportado.

Sa bilangguan sa Hagåtña, nagkaroon ng tangkang pagtakas.

May mga ulat na unang sinubukang tumakas ng ilang bilanggo sa pamamagitan ng bubong ng piitan. Nagkaroon ng putukan, may namatay at may mga nasugatan. Makalipas ang ilang araw, isang mas malaking pagtatangka ang naganap.

Dito nagkakaroon ng magkakaibang tala ang mga historyador hinggil sa eksaktong bilang ng mga nasawi.

May mga tala na nagsasabing 97 bilanggo ang namatay at 46 ang nasugatan. Samantala, ang tala ng paring si Francisco Resano ay nagbanggit na 98 “Tagalos” na binaril at napatay sa loob ng dalawang gabi. May iba pang historical accounts na nagbibigay ng mas mababang bilang.

Pero isang bagay ang malinaw: maraming bilanggong Filipino ang nasawi sa nasabing marahas na insidente.

Ngunit mahalagang huwag nating kalimutan na ang kasaysayan ng insidente ay hindi simpleng kuwento lamang ng “Filipino laban sa Chamorro”.

Ang mga Chamorro na naging bahagi ng kolonyal na sistema ng seguridad ay sila rin ang mga taong nabuhay sa ilalim ng pamamahalang Espanyol. Ginamit ng kolonyal na pamahalaan ang mga lokal na tauhan sa pagpapatupad ng kaayusan sa piitan, habang ang mga bilanggong Filipino naman ay itinuring na banta sa kapangyarihan ng Espanya.

Sa gitna ng lahat, ang mga deportadong Filipino ang naging biktima ng isang sistemang kolonyal na hindi lamang nagkulong sa kanila — inihiwalay sila sa kanilang pamilya, komunidad, at bayan.

Marami sa kanila ang namatay nang malayo sa Filipinas.

Walang monumento sa kanilang mga bayan.

Walang malalaking seremonya para sa kanilang mga pangalan.

At sa paglipas ng panahon, tila nawala sila sa alaala ng bansa.

Sa darating na National Heroes Day, huwag lamang nating alalahanin ang mga pangalan na nasa mga piso, monumento, at mga aklat.

Alalahanin din natin ang mga ordinaryong Pilipino – na ang buhay at dugo ay naging bahagi ng mahabang pakikibaka para sa kalayaan.

Sila ang mga limot na bayani. At panahon nang muli silang hanapin sa mga pahina ng ating kasaysayan.

(Abangan ang Ikalawang Bahagi: Mga Deportado: Ang mga Unang Diasporang Filipino sa Micronesia)

*** Mga sanggunian: Encyclopedia Britannica; Wikipedia; Scribd (Pardo de Tavera account of the Cavite Mutiny), at Guampedia.