Thursday , March 19 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Bojie Dy Sandro Marcos

Speaker Dy, Majority Leader Marcos naghain ng makasaysayang Anti-Political Dynasty Bill

ni Gerry Baldo

ISINASAKATUPARAN ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang kanyang pangakong repormang magtataguyod ng patas at malinis na politika matapos niyang ihain ang isang makasaysayang Anti-Political Dynasty Bill —- isang hakbang na layong palawakin ang oportunidad sa paglilingkod-bayan at palakasin ang integridad sa pamahalaan.

Inihain ni Speaker Dy ang House Bill (HB) 6771 kasama si Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na nagsisilbing unang malakas na pagkilos mula sa pinakamataas na liderato ng Mababang Kapulungan upang tuluyang maisakatuparan ang probisyong konstitusyonal na nagbabawal sa mga political dynasty.

Ang paghahain ng panukala ay kasunod ng pahayag ng Speaker noong pagbubukas muli ng sesyon noong 11!Nobyembre, kung kailan idineklara niya ang Anti-Dynasty Bill bilang pangunahing bahagi ng kanyang reform agenda.

Mas lalo pang lumakas ang suporta para sa panukala ngayong linggo matapos direktahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang liderato ng Kongreso—sa Kapulungan at Senado—na gawing prayoridad ang Anti-Political Dynasty Bill bilang bahagi ng kanyang legislative agenda na inilahad sa LEDAC Full Council meeting. Nagpapakita ito ng pagkakaisa ng ehekutibo at lehislatura sa pagtugon sa matagal nang mandato ng Saligang Batas.

Pagpapatupad sa matagal nang obligasyong konstitusyonal

Binigyang-diin ni Dy na ang panukala ay tumutugon sa obligasyong nakabinbin na halos apat na dekada na, dahil nananatiling walang batas na naglilinaw sa kahulugan at saklaw ng political dynasty.

Sa kanilang explanatory note, sinabi nina Dy at Marcos—na parehong mula sa mga pamilyang may mahabang kasaysayan ng paglilingkod-bayan—na panahon nang bigyan ng konkretong aksiyon ang panawagan para sa political equality at patas na partisipasyon sa pamahalaan.

Ibinatay nila ang panukala sa Article II, Section 26 ng Konstitusyon, na nagsasaad na dapat tiyakin ng Estado ang “equal access to opportunities for public service” at ipagbawal ang political dynasties sa pamamagitan ng batas.

“Sa kabila ng malinaw na mandato ng Konstitusyon, nanatiling laganap ang political dynasties dahil sa kawalan ng enabling law,” ayon sa mga lider ng Kamara.

Mahahalagang pagbabawal

sa panukala

Kabilang sa mga ipinanukalang limitasyon ang pagbabawal sa asawa, kapatid, at mga kamag-anak hanggang ikaapat na civil degree ng isang nakaupong opisyal na sabay-sabay na humawak ng ilang partikular na posisyong elective.

Isang makabuluhang probisyon din ang pagtatakda na hindi maaaring sabay na maupo sa Senado ang magkakapamilya—isang pangunahing hakbang para maiwasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iisang angkan sa pambansang antas.

Inilarawan ang HB 6771 bilang “tapat na pagsasakatuparan sa mandato ng Konstitusyon—isang estratehikong reporma para sa mabuting pamamahala, at pagpapatunay na ang public office ay isang public trust.”

Meritokrasya, hindi apelyido

Binigyang-diin nina Dy at Marcos na dapat nakabatay sa merito at tiwala ng publiko ang pag-upo sa kahit anong posisyon, hindi sa pangalan o pinagmulan.

Layunin ng panukala na itaguyod ang meritokrasya, palakasin ang kompiyansiya sa demokratikong institusyon, at gawing mas inklusibo ang partisipasyon ng mamamayan sa politika. Ipinapakita rin nito ang pagtutugma ng Filipinas sa internasyonal na pamantayang demokratiko, human rights commitments, at anti-corruption reforms.

‘Huling kabanata’ ng mandatong mula 1987

Para kina Dy at Marcos, tinutugunan ng panukala ang matagal nang “unfinished business” ng 1987 Constitution—isang overdue na repormang dapat nang isakatuparan.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito, matutupad na ng Kongreso ang mandato ng Konstitusyon at makapaglalatag ng mas inklusibo at responsableng sistemang pampolitika para sa lahat ng Filipino,” anila.

Umapela ang dalawang lider sa kanilang mga kasamahan sa Kamara na agad aprobahan ang panukala dahil sa agarang pangangailangan ng nasabing reporma. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Gerry Baldo

Check Also

Arrest Shabu

LGU official arestado sa P.1-M ilegal na droga

NADAKIP sa isinagawang joint anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-10) Camiguin Provincial Office …

Dead Road Accident

Sa Cavite
6 sasakyan inararo ng truck, 2 patay

KOMPIRMADONG patay ang dalawang biktima, habang tinitiyak pa ng pulisya kung ilan ang sugatan sa …

DMW Department of Migrant Workers Middle East

Airstrike sa Saudi ipinaskil sa socmed Pinoy inaresto 

ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang inaresto sa Saudi Arabia nang kanyang ipaskil sa social …

SM FTSFI Felicidad Sy Hall

Felicidad Sy Foundation Unveils Digital Transformation Center to Empower Future-Ready Learners

A new chapter in education and opportunity began with the unveiling of the Felicidad Sy …

DOST-NRCP

DOST urges PH researchers toward responsive, cross-sector research

The Department of Science and Technology urged the Filipino research community to commit to a …