MATAGUMPAY na naaresto ng mga operatiba ang walong indibiduwal na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat, matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni PLt. Colonel Jerome Jay S. Ragonton, ang isang high value individual sa isinagawang buybust operation sa Brgy. Sto. Niño, Plaridel, Bulacan, kahapon ng madaling araw, 16 Oktubre 2025.
Ang suspek na kinilalang si alyas Gatas, 37 anyos, residente sa nasabing barangay ay naaresto matapos makabili ang poseur buyer ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng isang marked money na ginamit bilang buy-bust money.
Narekober mula sa suspek ang dalawa pang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at ang ginamit na marked money.
Ang kabuuang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam ay tinatayang may bigat na 4.5 gramo at may standard drug price (SDP) na hindi kukulanmgin sa P30,600.
Samantala, sa mga ulat na isinumite ng mga hepe ng Balagtas, Meycauayan, Marilao at Paombong C/MPS, ang magkakahiwalay na drug-bust operation na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units ay nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong tulak ng droga at pagkakakompiska sa 16 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may halagang P34,680, kasama ang ginamit na buybust money.
Ang mga nakompiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa paglabag sa Republic Act 9165 na isasampa laban sa mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor.
Ang matagumpay na operasyon ng Bulacan PPO, sa pamumuno ni PColonel Angel L. Garcillano, provincial director, ay indikasyon ng matibay na paninindigan sa patuloy na laban kontra kriminalidad. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com