ARESTADO ang anim na magkakabarkadang pinaniniwalaang pawang mga tulak sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Manuel De Vera, Jr., acting chief of police ng Pandi MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Drew, 52 anyos; alias Son, 32 anyos; alias Joel, 48 anyos; alyas Senpai, 34 anyos; alyas Ben, 59 anyos; at alyas Isa, 35 anyos, pawang mga residente ng Pandi Residence 2, Brgy. Bagong Barrio, sa nabanggit na bayan.
Sa naturang operasyon na pinangunahan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pandi MPS, isang pulis na nagsilbing poseur buyer ang nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula kay alyas Drew kapalit ng marked money.
Nang kapkapan ang suspek, narekober ng mga operatiba mula sa kanya ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu at ang buybust money.
Kasunod nito, sunod-sunod na naaresto ang mga barkada ng suspek at nakuha mula sa kanila ang iba’t ibang drug paraphernalia kabilang ang pitong sachet ng hinihinalang shabu, dalawang ginamit nang sachet na may bakas ng shabu, isang improvised glass tooter, isang aluminum foil strip, at dalawang disposable lighter.
Tinatayang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P13,600 ang kabuuang nakumpiska ng mga operatiba mula sa mga suspek.
Dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang piraso ng ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang laboratory examination at drug test.
Samantala, inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5, 11, 12, at 13, sa ilalim ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek sa Prosecutor’s Office, sa lungsod ng Malolos.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, na ang naturang tagumpay ay patunay ng patuloy na determinasyon ng pulisya na supilin ang operasyon ng ilegal na droga sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com