NAARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaki habang tinutugis ang kaniyang kasabwat na nakatakas na sangkot sa kasong carnapping sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 11 Oktubre.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson Bagain, hepe ng San Jose del Monte CPS, kinilala ang biktimang si alyas JJ, 33 anyos, isang delivery rider at residente ng Area C, Brgy. St. Martin 1, sa nasabing lungsod.
Napag-alamang ninakaw ng dalawang suspek, kapwa 18 taong gulang, ang motorsiklo ng biktima na isang Yamaha Aerox 2021 subalit naaktuhan ito ng ilang testigo habang itinutulak palayo sa lugar ng insidente na sila namang nagsumbong sa mga awtoridad.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis at mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip ng isang suspek na dinala sa San Jose del Monte CPS para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon habang ang kasama niyang nakatakas ay kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.
Pahayag ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, sa pinaigting ng kampanya ng kapulisan kontra kriminalidad ay nagreresulta sa mabilis na pagkaaresto sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com