TINIYAK na ligtas ni Mayor Jeannie Sandoval ang mga Malabueños laban sa pagbaha at high tide dahil sa patuloy na pag-monitor at pagsasaayos ng Malabon-Navotas River Navigational Gate.
Tiniyak ng mga tauhan ng City Engineering Department (CED) na nakatutok sila sa 40 pumping stations at mahigit 120 floodgates sa paligid ng siyudad para masigurong gumagana at namamantina ang paglilinis nito upang maging maayos ang daloy ng tubig.
“Una pa rin po para sa atin ang kaligtasan ng ating mga kababayang Malabueño ngayong patuloy pa rin ang pagsasaayos ng navigational gate na nasa pamamahala ng MMDA. Palagi pong nakahanda ang pamahalaang lungsod na magresponde, at magsagawa ng mga operasyon at programa kung sakaling magkaroon ng pagbabaha sa ating lungsod lalo tuwing umuulan o high tide. Alam po natin ang epekto ng baha sa ating buhay sa araw-araw, kaya’t patuloy po tayo sa pagsiguro ng kaligtasan at sa pagbuo ng mga proyekto para sa mas magandang bukas sa ating lungsod,” ayon kay Mayor Jeannie.
Paliwanag ng CED – Flood Control Division na naisagawa na nila ang pagsasaayos ng mga navigational gate na nasa pangangalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na doon nakita ang ilang structural defects na naging sanhi ng pagbaha.
Una nang nagpaalala ang Malabon LGU na nagkakaroon ng weekly high tide schedule para maging handa ang mga residente sa pagtaas ng tubig habang isinasaayos ang gate repair kasabay ng pagsasagawa ng clean-up drives at declogging operations sa mga waterways.
Patuloy na paalala ni City Administrator Dr. Alexander Rosete, agad ipaalam sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sa pamamagitan ng Command and Communication Center, kung may pagbaha sa paligid upang agad maaksiyonan.
“Kung sakali man hong magkaroon ng pagtaas ng tubig sa inyong mga lugar at mangailangan po ng tulong, huwag pong mahihiyang makipag-ugnayan sa ating pamahalaan para sa kasiguruhan ng inyong kaligtasan,” paliwanag ni Rosete.
Samantala, nakahanda ang Malabon emergency team para sa mabilis na pagtulong sa mga residenteng maaapektohan ng pagbaha, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. (VICK AQUINO)