DADALAW sana sa piitan pero hindi na nakalabas dahil sa pagdadala ng ilegal na droga ang isang babae matapos makuhaan ng aabot sa halagang P310,000 shabu at marijuana sa isinagawang body search ng tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Caloocan City Jail, kamakalawa ng hapon.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Police Brigadier General Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD), agad inaresto ang isang alyas Ana na dadalaw sa kanyang nobyong nakakulong sa Caloocan City Jail sa Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan, dakong 5:00 pm nitong Linggo ngunit naghinala ang mga tauhan ng BJMP sa kanyang kahina-hinalang kilos.
Nang i-body search ang babae ay nakita sa kanyang katawan ang mahigit 45 gramo ng shabu at 35 gramo ng marijuana na aabot sa Standard Drug Price (SDP) na ₱310,000.
Agad inaresto ang suspek at dinala sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan City Police Station para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 na ihahain sa City Prosecutors’ Office.
Samantala, pinarangalan ni DD Abad ang mga tauhan ng BJMP at Caloocan City Police sa maagap na paghuli sa suspek. (VICK AQUINO)