ARESTADO ang tatlong katao matapos kumagat sa pain ng mga awtoridad kaugnay sa ilegal na pagbebenta ng baril sa internet sa bayan ng Mexico, lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo, 15 Hunyo.
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa loose firearms, criminal gang, at crime groups sa buong bansa.
Ikinasa ang buy-bust operation ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit kasama ang Mexico Municipal Police Station sa parking area ng SM City Pampanga sa Brgy. Lagundi, Mexico, na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek habang nakikipagtransaksiyon sa mga ibinebentang baril.
Kinilala ni P/BGen. Rolindo Suguilon, officer-in-charge ng CIDG, ang mga nadakip na suspek na sina alyas “Bryan”, alyas “John,” at alyas “Basti” na huli sa aktong nagbebenta ng loose firearms sa internet.
Nabatid na inaresto ang mga suspek na huli sa aktong nagde-deliver at nakikipagkalakalan ng dalawang hindi lisensiyadong baril- isang caliber 5.56 AK2000P rifle at isang caliber 45 Auto-Ordnance (Tommy Gun) submachine gun.
Narekober mula sa mga suspek ang mga magazine, bala, cellphone, at identification card na naglalaman ng pangalan ng mga suspek.
Kaugnay nito, pinuri ni P/BGen. Suguilon ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit at Mexico MPS sa mabilis na pagtugon sa naturang paglabag sa batas na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)