NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug peddler na kabilang sa Regional Target List ng mga drug personalities at nakumpiska ang nasa P88,400 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buybust operation sa Brgy. Calapacuan, Subic, sa lalawigan ng Zambales, nitong Sabado, 24 Mayo.
Kinilala ng hepe ng PDEA Zambales ang naarestong suspek na si alyas Dado, 68 anyos, residente ng Brgy. Matain, sa nabanggit na bayan.
Nasamsam mula sa suspek ang 13 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P88,400; isang unit ng smartphone; at buybust money.
Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng PDEA Zambales Provincial Office, Subic CPS, at Zambales Provincial Drug Enforcement Unit.
Nakatakdang kasuhan si alyas Dado ng paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 11 (possession of dangerous drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na pawang non-bailable offense. (MICKA BAUTISTA)