TINAPOS ng isang retiradong sundalo ang matagal nang alitan sa kapitbahay nang barilin niya ito at mapatay sa Pandi, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay Police Brigadier General Jean Fajardo, kinilala ang biktima sa pangalang alyas Jose, 53 anyos, may asawa, isang construction worker, tubong Bohol, residente sa Barangay Siling Bata, Pandi, Bulacan.
Naaresto ang suspek na si alyas Manny, 70 anyos, retiradong sundalo, tubong Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan din sa naturang barangay.
Nabatid, ang insidente ay iniulat sa Pandi Municipal Police Station dakong 12:30 ng madaling araw, 22 Mayo 2025 kaya mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng pulisya at pagdating sa lugar ay natagpuan nilang wala nang buhay ang biktima.
Sa pagsuyod sa lugar ay kaagad naaresto ng mga operatiba ang suspek na noon ay naghahanda na sanang tumakas at magtago.
Narekober mula sa kanya ang isang improvised firearm na pinaniniwalaang ginamit sa krimen samantala humiling ng tulong ang Pandi MPS mula sa PFU3 para sa SOCO processing.
Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong murder at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay rin ng mga probisyon ng Omnibus Election Code.
Napag-alamang ang dalawa ay matagal nang may alitan na kadalasan ay humahantong sa paghahamunan ng away hanggang napuno na ang suspek at binaril na niya ang biktima hanggang mapatay.
Sa isang pahayag, sinabi ni PBGen. Fajardo, Regional Director ng PRO3 na mahigpit nilang tinututukan ang lahat ng insidente ng karahasan.
Aniya, ang mabilis na aksiyon at pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng kahandaan ng pulisya na protektahan ang mga komunidad para mapanatili ang katahimikan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)