KULONG ang isang tricycle driver na nasentensiyahan ng kasong child abuse matapos malambat ng Navotas Police sa ikinasang manhunt operation, kamakalawa
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas police na naispatan sa Brgy. Sipac-Almacen ang presensiya ng 57-anyos, akusado, itinago sa alyas na Guido, residente sa Sampaguita Street, Brgy. Tanza.
Katuwang ang Police Sub-Station 1, agad nagsagawa ng joint operation ang mga tauhan ni Cortes na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado bandang 9:00 ng umaga sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Sipac-Almacen.
Dinakip ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 9-FC, noong 11 Pebrero 2025 para sa kasong paglabag sa Section 10 (A) of Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) na may inirekomendang piyansa na P80,000.
Pansamantalang nakakulong ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para ilipat sa City Jail. (VICK AQUINO)