NAGSAGAWA ng buybust operation ang mga awtoridad, target ang grupo ng mga nagbebenta ng mga pekeng gold bar sa Sitio Pidpid, Brgy. Manuali, sa bayan ng Porac, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat mula kay P/Col. Samuel Quibete, hepe ng Porac MPS, ikinasa ang operasyon ngunit nakahalata ang mga armadong suspek na operatiba ang kanilang katransaksiyon kaya nagtakbuhan at mula sa tagong posisyon ng matataas na damo ay pinaputukan ang mga awtoridad.
Dito napilitang gumanti ang mga pulis hanggang bandang huli, sa palitan ng putok ay napilitang sumuko ang mga suspek.
Nakompiskang ebidensiya sa mga suspek ang pekeng gold bar; dalawang tunay na P1,000 bill (serial number DX866818 at RG678863); isang tunay na P500 bill; 200 piraso ng P1,000 boodle money; isang daang pirasong P500 boodle money (ginamit bilang marked money); isang .38 caliber revolver na may isang nagamit na casing at tatlong live na round ng bala; isang improvised shotgun na may isang gamit na shotshell; tatlong live na shotshell; isang fragmentation grenade na may lalagyan; isang jungle bolo; dalawang Rusi motorcycle; at isang Rusi na motorsiklo na may sidecar (kolong-kolong).
Nabatid na modus ng Salaguinto Gang ang pagbebenta ng pekeng ginto at pagkatapos makuha ang pera ay tatakbuhan ang biktima.
Kaugnay nito, nagpaalala ang mga awtoridad na huwag maniwala sa inaalok nilang ginto tunay man o peke dahil ito ay isang panloloko.
Ang grupo ay binubuo ng mga pinagsamang katutubong Aeta at ‘Unat’ kaya pinag-iingat ang publiko dahil hindi pa sila nahuhuling lahat.
Inihahanda ang mga kaukulang kasong kriminal laban sa mga suspek na nakakulong ngayon sa Porac MPS. (MICKA BAUTISTA)