SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAPA-WOW kami sa galing ng limang miyembro na babago sa mundo ng P-Pop, ang up and coming boy group na GAT o “Gawang Atin ‘To” sa pamamagitan ng kanilang nakabibighaning tinig at swabeng dance moves.
Sa ilalim ng pamamahala ng Ivory Music at VAA (Viva Artists Agency), binubuo nina Ethan David, Charles Law, Michael Keith, Derick Ong, at Hans Paronda ang grupo na nakatakdang gumawa ng ingay sa mundo ng P-Pop, gayundin sa industriya ng Philippine entertainment.
Nagmula ang GAT sa sinaunang parangal na “Gatdula” na tawag sa mga Filipinong ginoo na nagdala ng dangal sa bansa, gaya nina Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio.
Sinasalamin ng pangalang ito ang adhikain ng grupo na ipamalas ang kahusayan, karangalan, at respeto sa kanilang sining na ipakikita sa pamamagitan ng kanilang natatanging talento at kaakit-akit na performances.
Napahanga ng GAT ang P-Pop fans nitong Enero sa kanilang pre-debut performance video nang kinanta nila ang Huwag Ka Nang Humirit ni James Reid. Dito, nagbigay sila ng panibagong sigla, swabeng tunog, at matinding energy, na nagbigay ng kakaibang buhay sa kanta ng Viva Records.
Matapos nito, mas lalo pa silang pinag-usapan nang i-cover nila ang Marikit nina Juan Caoile at Kyleswish.
Ngunit, ang cover nila na Daleng-Dale ang nagpa-ibabaw sa kanilang pangalan sa mundo ng P-pop dahil sa agarang pagsikat nito.
Ang version nila ng MMJ track ay nagsilbing original soundtrack Viva One hit series na Ang Mutya ng Section E at umarangkada sa #8 spot sa Daily Viral Songs chart ng Spotify Philippines. Bukod pa rito, sumikat din ang choreography nila para sa kanta. Maraming netizens sa buong bansa ang gumaya at nagpa-trend nito sa TikTok.
Ipinadama rin ng GAT ang kanilang presensya sa iba’t ibang TV shows at local events.
Nitong taon lamang, nagkaroon sila ng kanilang kauna-unahang television guesting sa Sugod Campus segment ng Eat Bulaga at pinasaya ang kanilang tagahanga nang makapag-perform sa Singkamas Festival sa Zambales.
Ngunit, hindi lamang sa P-Pop scene kilala ang boys. Karamihan sa mga miyembro ng GAT ay supporting cast members ng Ang Mutya ng Section E, na pinagbibidahan nina Andres Muhlach, Ashtine Olviga, at Rabin Angeles. Dahil dito, tila nagpapasaya sila ng mga manonood hindi lamang sa entablado kundi pati na rin sa harap ng kamera.
Ang lahat ng miyembro ng GAT ay may mga natatanging talento at karisma na maiaalok pagdating sa pagtatanghal, kaya naman sila ay isang boy group na talagang natatangi.
Kilala si Ethan sa kanyang kahusayan sa pag-arte, pagkanta, at pagsayaw. Gumanap siya sa mga pelikulang Squad Goals (2018), Two Weeks, End (2022), at How To Love Mr. Heartless (2022) na ipinamalas niya rito ang kanyang dynamic presence at talento sa entablado.
Tanyag naman si Charles sa kanyang hindi matatawarang karisma na may likas na kasiyahan na nangingibabaw. Matapos niyang gumanap sa Penduko (2023), The Ship Show (2023), at The Rain in Espana (2023) mula sa University Series, handa na siyang ipakita ang husay bilang isang performer sa GAT.
Pinatutunayan din ni Michael ang kanyang kakaibang versatility bilang isang R&B performer na kayang kumanta mula soulful patungo sa smooth rap verses. Kamakailan, ipinakita niya ito sa kaniyang mga single na Ayayay at Drowning na nagbibigay ng patikim sa kaya niyang ipamalas.
Nakakakonekta naman si Derick sa mga tagahanga sa pamamagitan ng kanyang groovy moves at kaakit-akit na ngiti. Isang manlalaro ng hockey at volleyball, ngayon handa nang maging isang ganap na performer na may swaggish na talento sa pagkanta at pagsayaw.
Kilala si Hans sa malalim, buo, at ekspresibong tinig. Bilang runner-up sa Born to Be a Star (2020), ipinakita niya ang dynamic range at natural charm, lalo na sa kanyang mga single na Ok Lang Ako at Puto (kasama ang OPM icon na si Janno Gibbs).
Matapos ang kanilang matagumpay na cover performances, handa na ang GAT na ipakita pa ang kanilang talento bilang isa sa susunod na breakout groups ng OPM.
Abangan ang kanilang mga paparating na performances sa Fusion: The Philippine Music Festival sa CCP Open Grounds sa Marso 15 at sa P-Pop It Up event sa Viva Café sa Marso 22.
Bilang isa sa mga namamayagpag na P-Pop groups ng Viva Music Group at Viva Artists Agency, kasama ang RAYA at MUTYA, nakatakdang gampanan ng GAT ang mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng OPM.