HINDI natuloy ang tangkang pagpupuslit at pagbebenta ng ilegal na droga ng isang hinihinalang tulak mula sa Rizal nang madakip ng mga awtoridad sa bayan ng Magalang, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 5 Pebrero.
Nasakote ng mga operatiba ng Magalang MPS sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 (PDEA 3), ang suspek na kinilalang si alyas Ben, 30 anyos, nakatalang high value target, at residente sa Old Manggahan, San Isidro, Angono, Rizal.
Nabatid na mula Rizal ay dumarayo ang suspek sa Pampanga ngunit tuluyang naaresto dakong 11:45 pm kamakalawa sa aktong nagbebenta ng ilegal na droga sa Brgy. San Jose, sa nabanggit na bayan.
Nasamsam mula sa suspek ang 410 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2,788,000 at gagamiting ebidensiya laban sa kaniya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Magalang MPS ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, pinuri ni P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, ang walang humpay na pagsisikap ng mga operating team kasunod ang mahigpit na babala sa mga sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga na tumigil na sa kanilang masamang gawain. (MICKA BAUTISTA)