Nagsagawa ng makabuluhang pag-aresto ang Bulacan police nang mahulog sa kanilang mga kamay ang tatlong notoryus na mga pesonalidad na may kinakaharap na mga kaso sa lalawigan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, sa masigasig na house visitation na isinagawa ng mga tauhan ng Pulilan MPS, sa pakikipagtulungan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at mga lokal na awtoridad sa Brgy. Tibag, Pulilan, Bulacan, ay nagbunga sa boluntaryong pagsuko ni Jesusa Garcia, na kilala rin bilang Annabelle at Adeng.
Napag-alamang si Jesusa Garcia ay nasa Regional Level Priority-High Value Individual (HVI) at miyembro ng notoryus na Zapata Criminal Group na kumikilos sa Bulacan at karatig-lalawigan..
Samantala, isinilbi naman ang warrant of arrest ng Bulakan MPS kay Renzo Samson, alyas Daddy Sauce, na wanted para sa Attempted Robbery at Grave Threat.
Dagdag pang ang tracker teams mula sa SJDM, Plaridel, at Pandi C/MPS ay matagumpay na nadakip ang apat na mga kriminal na wanted sa iba’t-ibang krimen at paglabag sa batas.
Gayundin, sa hiwalay na operasyon, si Jeric Angeles ay arestado ng mga tauhan ng Station Drug Unit Enforcement (SDEU) ng San Rafael MPS matapos ang ikinasang drug sting operation sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan.
Sa isinagawang drug bust ay nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang apat na pakete ng pinaghihinalaang shabu at marked money.(Micka Bautista)
