HINDI ininda ng mga artista at fans na nakiisa sa Parade of Stars, noong Abril 2, Martes ang init at talaga namang daan-daang tagahanga ang dumagsa sa kahabaan ng Quezon City para lang makita ang kanilang mga idolo at bida sa mg kalahok sa festival habang nakasakay sa kanilang float kahapon.
Walong pelikula ang nakiisa sa Metro Manila Summer Film Festival (MMFF) na ang parada ay nagsimula sa Villa Beatriz sa Commonwealth Avenue at nagtapos sa Quezon Memorial Circle. Mapapanood ang walong entries mula Abril 8 hanggang Abril 18.
Una sa parada ang book-inspired float na sakay ang mga bida sa pelikulang Yung Libro Sa Napanood Ko ng Viva Films. Pinangunahan nina Bela Padilla, Yoo Min-gon, at Boboy Garrovillo ang kanilang float. Ang Yung Libro Sa Napanood Ko ay isang romance-drama ukol sa isang Pinay author at Korean fan na nagkaroon ng pagkakataon na bisitahin ang mga destinasyon na tampok sa K-dramas.
Sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas naman ang sakay ng float ng About Us But Not About Us na ang pelikula ay isang psychological thriller ukol sa isang literature professor at sa kanyang estudyante/lover na nagkaroon ng masinsinang pag-uusap na roo’y mabubulgar ang ilang sikretong hindi dapat maisiwalat.
Flamingo inspired naman ang float ng Here Comes The Groom na nakasakay doon sina Enchong Dee, Maris Racal, Awra Briguela, Kaladkaren, Miles Ocampo, at Xilhouette. Kasama nila sa float ang mga lalaking topless na ibinandera ang mga abs. Ang Here Comes The Groom ay ukol sa soul-swapping na sequel sa hit movie na Here Comes The Bride.
Pinagbibidahan naman nina Carlo Aquino at Eisel Serrano ang Love You Long Timena ang float ay isang flower-decked. Ang naturang disenyo ng float ay bilang pagpupugay sa Northern Blossom Flower Farm ng Atok, Benguet na roon nag-shoot ang pelikula.
Isang rom-com movie naman ang Single Bells kaya mala-piyesta ang disenyo nito na sakay sina Alex Gonzaga, Angeline Quinto, at Aljur Abrenica. Ang pelikula ay ukol sa mga single na desperadong makahanap ng kanilang true love.
At tulad ng inaasahan, pinagkaguluhan ang float ng Apag na pinagbibidahan nina Coco Martin, Sen. Lito Lapid, Gladys Reyes, at Jaclyn Jose. Maririnig ang pagtawag ng Tanggol ng mga taong naghintay, sumalubong, at nakigulo sa parada ng walong entries kay Coco. Si Tanggol ang karakter na ginagampanan ni Coco sa kanyang seryeng Batang Quiapo. Ang pelikulang Apag ay tungkol sa pagmamahal, pagsasakripisyo para sa pamilya, paghingi ng tawad, pagpapatawad, at paghihiganti.
Agaw-pansin naman ang papier-mache ng mga phonograph records, musical notes, at vintage microphones na nasa float ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera na sakay sina RK Bagatsing at Meg Imperial.
Isang double-decker bus inspired naman ang float ng Unravel: A Swiss Side Love Story. Ito ay sikat na transportasyon ng Switzerland. Sakay nito ang mga bidang sina Gerald Anderson at Kylie Padilla. Napapanahon at sensitibo ang kuwento ng Unravel
na nakasentro sa kuwento isang Filipina executive na humaharap sa clinical depression.
Ang Summer MMFF ay magsisimula sa Abril 8 at magtatapos ng Abril 18. Ang awards night ay gaganapin naman sa Abril 11 sa New Frontier Theater. (MValdez)