SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAMAKAILAN ay ipinagdiwang ni Cavite Second District Representative Lani Mercado-Revilla ang 25th anniversary ng Imus Cathedral wedding nila ng kanyang kabiyak na si Sen Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Ngayong Abril, isa na namang milestone ang kanyang ipagdiriwang: ang kanyang ika-55 kaarawan. Ngunit sa halip na siya ang regaluhan ng kanyang mga constituent sa Lungsod ng Bacoor, ang Congresswoman ang maraming handog para sa mga Bacooreño.
Inilunsad na ang Alagang Ate Lani Birthday Selfie, na hinihikayat ang mga may selfie kasama si Cong. Lani na i-post ito kasama ang hashtag na #HappyBirthdayAteLani. May iba’t ibang category ang pa-contest, tulad ng Best Smile Selfie at Best Wacky Selfie. May cash prize ang mga mapipiling lucky winners.
At bilang bahagi ng Alagang Ate Lani Birthday Blowout, may mga Bacooreñong makatatanggap ng 55 hair makeover packages, 55 libreng pustiso packages, 55 libreng wheelchair packages, at 55 libreng salamin packages. May karagdagan pang 55 na makakakuha ng P2,000 in cash.
Pasisinayaan din ang iba’t ibang pasilidad sa Bacoor tulad ng mga barangay multipurpose halls at covered courts, pati na rin ang bagong facilities ng R.E.V.I.L.L.A. Center, na ginaganap ang iba’t ibang mga livelihood training courses. Seserbisyuhan din ng mga medical mission ang mga lugar na nangangailangan ng medical at dental services.
Para pa rin sa mga Bacooreño, magkakaroon din ng payout ng financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment. May Passport on Wheels din na maghahatid ng serbisyo ng Department of Foreign Affairs sa mga gustong mag-apply o mag-renew ng kanilang mga pasaporte.
At sa Abril 14 gaganapin ang isang malakihang birthday concert para sa dating alkalde, na tatampukan ng sikat na Pinoy pop band na December Avenue. Ang December Avenue ay kilala para sa kanilang mga love song tulad ng Kung ‘Di Rin Lang Ikaw at Sa Ngalan Ng Pag-Ibig. Makakasama rin ang tanyag na komedyanteng si Ate Gay at ang ang indie band na SunKissed Lola, na kilala sa kantang Pasilyo.
Inaasahang dadaluhan ng mga Bacooreño ang birthday concert na ito para makisaya at makikanta sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang mahal na Ate Lani.
“Ito pong aking kaarawan ay isang pagkakataon para maipakita ko sa ating mga mahal na Bacooreño na ang araw-araw na trabaho po natin ay iniaalay natin sa kanila. Basta’t tayo ay sama-sama, tulong-tulong, patuloy ang Lungsod ng Bacoor sa pag-unlad at tagumpay,” ani Cong. Lani.