
UMANI ng batikos si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kabiguang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kanyang unang 100 araw bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, mayorya ng mga Filipino ay umaasa na bibigyan ito ng karampatang lunas na administrasyong Marcos.
Ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey, 66 porsiyento ng mga Filipino ay nagsasabing ang pagkontrol ng implasyon ay isang pambansang isyu na kainakailangang tugunan nang agaran ng administrasyon.
Sa kabilang dako, 35 porsiyento ang nagsasabing dapat tugunan ang “job creation.”
“One hundred days of high prices, one hundred days of intense poverty. Simula nang maupo si Marcos Jr., halos kada linggo ay tumataas ang presyo ng bilihin, pero nananatiling kakarampot ang sahod at laganap ang kawalan ng trabaho para sa ordinaryong Filipino,” ani Brosas.
Ayon kay Brosas, sa gitna ng krisis sa ekonomiya hindi pinansin ng administrasyong Marcos ang hinaing ng taongbayan.
“Sa mga prayoridad na batas ng pangulo na inihapag niya noong SONA, nakita natin na ang nais niyang maipasa ay puro dagdag buwis na papasanin ng mga mamamayan. Sa 2023 budget, tampok ang dambuhalang budget para sa confidential funds habang walang budget para sa ayuda sa mamamayan,” ayon kay Brosas.
“Sa inilatag na plano ng administrasyon, asahan natin na hindi lang 100 days na pasakit ang mararanasan ng mamamayan kundi ilang taong kahirapan at kagutuman kung magpapatuloy ang ganitong klaseng pamamalakad,” dagdag ng kongresista. (GERRY BALDO)