IKINABABAHALA ng mga residente ang sunod-sunod na pagkawala ng mga kabataang babae sa lalawigan ng Bulacan, ang isa sa kanila’y natagpuang wala nang buhay.
Nitong Martes ng hapon, 5 Hulyo, natagpuan ang bangkay ni Princess Dianne Dayor, 24 anyos, sa isang sapa sa Brgy. Tikay, sa lungsod ng Malolos.
Nabatid na umalis ang biktima sa kanilang bahay dakong 5:40 am noong Sabado, 2 Hulyo, para pumasok sa trabaho ngunit makalipas ng ilang oras ay hindi na siya makontak ng kanyang pamilya at mga kasamahan sa trabaho hanggang makita ang kanyang bangkay sa nabanggit na barangay.
Natuklasang nawawala ang cellphone at pitaka ng biktima nang siya ay matagpuan.
Kabilang sa iniulat na mga nawawala ay sina Kycee Reforsado, 17 anyos ng Brgy. Tuktukan, Guigunto, huling nakita noong 30 Hunyo; Rebecca Genciane, 18 anyos, huling nakita sa Brgy. Sta. Rita, Guiguinto; Shella Mae De Guzman, 14 anyos, ng Brgy. Iba O Este, Calumpit; at Ronielyn Villanueva ng Brgy. Bangkal, Malolos.
Kaugnay nito, nagpaalala sa mga kabataan ang mga miyembro ng BBM Youth Movement Bulacan na magdoble ingat lalo sa alanganing oras ng gabi at huwag basta makipag-ugnayan sa mga taong hindi nila kilala nang lubusan.
Nagpahayag si Malolos City Mayor Christian “Agila” Natividad na magbibigay siya ng pabuyang P.3 milyon sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagkamatay ng biktimang si Princess Dianne at ng mga nawawala pang mga kabataang babae sa lalawigan.
Nag-utos din si P/Col. Charlie Cabradilla, provincial director ng Bulacan PPO, sa hanay ng pulisya ng malalimang imbestigasyon upang agarang matukoy at maaresto ang mga suspek sa pagpaslang sa biktima. (MICKA BAUTISTA)