This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
SAKO-SAKONG ilegal na paputok ang nakompiska ng mga awtoridad sa pagsalakay sa isang pabrika sa Bocaue, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Senior Supt. Ferdinand Divina, Bulacan police director, nakompiska sa pagsalakay ang mga ilegal na paputok tulad ng pla-pla, kabasi, Goodbye Philippines at Super Lolo.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na natimbrehan ang may-ari at mga manggagawa ng nasabing ilegal na pabrika ng paputok dahil wala silang inabutan nang isagawa ang pagsalakay.
Kasunod nito, nanawagan sa publiko si Divina na huwag tangkilikin at huwag bumili ng mga ilegal na paputok upang malayo sa kapahamakan.
Nabatid na sa ilalim ng umiiral na batas, dapat ang gunpowder sa bawat paputok ay hindi hihigit sa 0.2 gramo o one-third ng isang teaspon.
Ang mga natagpuang paputok sa sinalakay na pabrika ay mahigit pa rito kaya ang mga magmamanupaktura nang tulad nito ay maaaring mabilanggo nang hindi bababa sa anim buwan at multang aabot sa P20,000 hanggang P30,000.