Mister, 3 pa iimbestigahan sa pagpatay sa mag-ina sa Laguna
Hataw News Team
March 9, 2016
News
ISASAILALIM sa masusing imbestigasyon ng pulisya ang mister ng biktima at tatlo pa na sinasabing sub-contractor ng isang telecom company para sa mabilisang ikareresolba ng karumal- dumal na kaso ng pagnanakaw at pamamaslang sa mag-ina sa lungsod ng Sta. Rosa sa lalawigan ng Laguna.
Ayon kay Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng pulisya, sasailalim sa further investigation at clarificatory questioning para sa paglilinaw at agarang ikareresolba ng naturang kaso ang mister ng biktimang si Pearl Helen Sta. Ana na si Richard, kabilang si Alias David de la Cruz, kilala sa tunay na pangalan na Christopher Marquez Oliveroz, ng Pasig City, at dalawa pang sub-contractor na hindi pa ipinalabas ang mga pangalan.
Nais malaman ng pulisya kung nasaan ang mga nabanggit nang maganap ang nasabing insidente ng pagnanakaw at brutal na pamamaslang sa mag-inang Sta. Ana dakong 2:00 p.m. nitong Miyerkoles, Marso 2, kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, apat sa tumatayong mga testigo sa krimen ang nakahandang magbigay ng kani-kanilang mga salaysay sa mga awtoridad para sa agarang ikareresolba ng naturang kaso.
Bagaman may narekober na ebidensiyang identification card (ID) ni alias David de la Cruz, sa crime scene ay hindi pa rin aniya itinuturing na isa sa posibleng suspek habang patuloy ang isinasagawang malalimang pagsisiyasat ni Laguna PNP Provincial Director SSupt. Ronnie Montejo at kanyang mga tauhan.
Samantala, umaabot sa halagang P200,000 pabuya ang inilaan ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Sta. Rosa para sa agarang ikalulutas ng kaso.
Magugunitang nadiskubre ang bangkay ng mag-ina na naliligo sa sarili nilang dugo sa kanilang comfort room dakong 5:10 ng hapon. Walang saplot sa katawan si Pearl na may malalaking sugat sa ulo habang ang kanyang anak na si Denzel na mahigit isang-taon gulang ay mayroon rin malaking sugat sa ulo na hinihinalang pinukpok din ng martilyo.
Magkasunod na binawian ng buhay ang mag-ina na natangayan ng umaabot sa mahigit P165,000 halaga ng alahas, salapi, cellphone, tablet, iPad at iba pang mga personal na kagamitan.