BINAWIAN ng buhay ang isang undersecretary ng Department of Education (DepeD) sa isang aksidente dakong 9 a.m. sa lalawigan ng Rizal nitong Sabado.
Hindi na umabot nang buhay si DepEd undersecretary for Finance and Administration Francisco Varela sa Padilla District Hospital sa Antipolo City makaraan dumulas at tumumba ang sinasakyan niyang motor sa kahabaan ng highway sa Rizal.
Ayon sa staff ng Padilla District hospital, dinala ng isang Raymond Mallari si Varela sa ospital bandang 10:45 a.m.
Hindi matukoy kung saan mismo nangyari ang aksidente dahil sa magkakaibang impormasyon na lumalabas.
Nakikidalamhati ang buong pamunuan ng DepEd at mga kaibigan ni Varela sa maagang pagpanaw sa edad na 47-anyos.