BINAWI ng Land Transportation Office (LTO) ang akreditasyon ng isang medical clinic at driving school sa Pampanga dahil sa ilegal na pangangasiwa ng Theoretical Driving Course (TDC) seminar.
Ayon kay LTO Chief, Asst. Secretary Atty. Vigor D Mendoza, ang hakbangin ng ahensiya ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na habulin ang mga nagkokompromiso para sa seguridad sa lansangan.
Sa ulat ni Mendoza kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni Z. Lopez, bagamat kinikilala niya ang mga aktibidad na sumusuporta sa kampanya ng ahensiya para sa road safety, ang Vosh Medical Clinic at ang Seven C Driving School OPC ay walang koordinasyon sa LTO para mangasiwa ng TDC at student permit caravan.
Ayon kay Mendoza, ang masaklap nito, pinagbabayad ng P600 hanggang P750 ang mga lumahok at binigyan ng medical certificate at TDC certificate kahit hindi sila sumailalim sa actual seminar noong 16-17 Agosto.
“Clearly, there were numerous violations in the conduct of this illegal activity. And these violations were proven at the course of the investigation,” pahayag ni Mendoza.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng LTO makaraang makatanggap ang ahensiya ng impormasyon na nangangasiwa ng TDC at student permit caravan ang Vosh Medical Clinic at ang Seven C Driving School OPC sa Pampanga.
Napatunayan sa imbestigasyon na ang dalawang kompanya ay walang koordinasyon sa LTO at pinalalabas na ang aktibidad ay suportado ng ahensiya.
“Given the gravity of the violation, the imposition of the penalty of revocation is called for. Wherefore, premises considered, the penalty of revocation is hereby imposed against respondents,” saad sa desisyon.
“The decisions should send a strong message to all driving schools and medical clinics accredited by the LTO to behave and strictly follow the regulations,” babala ni Mendoza. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com