AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI biro ang naging pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano laban kay Congressman Martin Romualdez. Mabigat ang bansag na ‘master plunderer’ lalo na para sa isang dating House Speaker at isa sa pinakamalalakas na personalidad sa gobyerno. Pero marami rin ang nagsasabing hindi na sila nagulat dito.
Habang bawat taon ay binabaha ang mga komunidad at habang paulit-ulit ang problema sa mga flood control project, bilyon-bilyong piso naman ang nawawala sa mga programang dapat sana’y tumutulong sa mamamayan. Kasabay nito, may isang politikong iniuugnay sa napakalawak na kayamanan at marangyang pamumuhay.
Hindi na rin lingid sa publiko ang mga ulat tungkol sa umano’y mga ari-arian ni Romualdez. Kabilang dito ang mga property sa Forbes Park, mansion at estate sa ibang bansa, isang malaking property sa Massachusetts, luxury villa sa Spain, helicopter, private plane, at koneksiyon sa ilang corporations at business associates. Kaya marami ang nagtatanong kung paano siya nagkaroon ng ganoon kalaking yaman habang ang mga Filipino ay hirap sa baha at gastusin.
Marami ang napasaludo kay Clavano dahil sa kanyang katapangan. Direkta niyang sinabi ang matagal nang sentimyento ng maraming tao. Hindi siya nagpaligoy-ligoy at hindi nagtago sa mga technical explanation.
Dahil dito, lalong nabigatan ang pressure sa Office of the Ombudsman. Kredibilidad ng ahensiya ang nakataya ngayon. Paninindigan ba nila ang mga naging pahayag? O uurong din kapag nagsimula nang gumana ang impluwensiya at kapangyarihan?
May pagdududa rin ang publiko dahil fraternity brothers sina Ombudsman Boying Remulla at Romualdez. Dahil matagal nang umiiral ang padrino system at utang na loob politics sa bansa, natural lang na kuwestiyonin kung hanggang saan kayang manindigan ng isang opisyal laban sa sariling brod.
Pero ito rin ang magiging sukatan kung may hustisya pa bang maaasahan sa bansa. Kung matatapos lang ang mga kaso sa ingay, press conference, at scripted narratives, lalo lamang mawawalan ng tiwala ang mga Filipino sa sistema.
Kaya mahalaga rin ang mga opisyal na gaya ni Clavano. Sa wakas, may isang tao sa loob mismo ng sistema na naglakas-loob magsabi nang direkta na si Romualdez umano ang sentro ng pandarambong. Matatandaan, ang mga akusasyon naman ay pinabulaanan ni Romualdez.
Dahil dito, may kaunting pag-asa pa ang publiko na baka may natitira pang hustisya sa bansang ito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com