PINANGUNAHAN ng alamat ng Philippine football na si Stephan Schröck, nalusutan ng Azkals Development Club (ADC) ang matinding hamon ng Enderun Colleges, 5-4, upang masungkit ang kampeonato sa PFF Futsaliga Men’s Division na itinanghal sa Philsports Arena.
“Isa lang akong baliw na matandang sobra ang pagmamahal sa football at gustong laruin ang kahit anong uri nito, at iyon ang patuloy na nagbibigay sa akin ng inspirasyon,” ani Stephan Schröck matapos ang laban.
At tunay ngang ipinakita ito ng 39-anyos na beterano ng Philippine men’s national football team matapos umiskor ng hat-trick sa futsal court laban sa mas batang kalaban — tila ordinaryong gabi lamang para sa kanya.
Sa likod naman ng walang sawang dedikasyon ni Schröck sa football, lalo ring sumiklab ang bituin ni Christian Gabriel Vendiola, na nagtapos na may 15 goals sa torneo habang naging mahusay sa opensa, depensa, pasa, at maging sa pag-goalkeeper sa pinakaimportanteng sandali ng ADC.
“Muntik pa kaming mahabol. Pero ginawa pa rin namin yung best para ma-secure yung lamang namin,” sabi ni Vendiola, na kinilalang Men’s Division Most Valuable Player.
Matapos ang dikdikan at walang lamangang unang sampung minuto ng laban, unang bumutas sa depensa si Schröck nang makalusot siya sa kaliwang bahagi at makapuntos mula sa masikip na anggulo.
Makalipas ang apat na minuto, nadoble niya ang kalamangan ng ADC sa pamamagitan ng malakas na free kick mula sa labas ng penalty arc matapos siyang ma-foul.
Lumaki pa ang lamang ng ADC sa ika-17 minuto nang maipasok ni Bryan Buergo ang bola mula sa transition pass ni Vendiola.
Ngunit hindi basta sumuko ang Enderun.
Bago mag-halftime, nagbigay-buhay sa Titans si Ghanaian speedster na si Theo Appiah matapos makaiskor mula sa mabilis na one-two play kasama si Dominic Tom.
Sa ika-29 minuto, muling nagpakitang-gilas ang tambalan nina Schröck at Vendiola nang maitala ng una ang kanyang hat-trick upang maibalik ang malaking bentahe ng ADC.
Ngunit hindi pa rin bumigay ang Enderun.
Nagpakawala si Shane Clemente ng malayuang tira mula sa gitna ng court sa ika-32 minuto bago muling nagpamalas ng husay si Appiah upang paliitin sa isang goal ang lamang ng ADC.
Sa gitna ng tensyonadong laban, muling nagbigay ng kaunting ginhawa si Buergo matapos tapusin ang isa pang assist ni Vendiola.
Subalit sa nalalabing 47 segundo, kinumpleto ni Appiah ang kanyang hat-trick upang muling ilagay sa alanganin ang titulo ng ADC.
Dumating pa ang mas dramatikong eksena nang mapatawan ng red card ang ADC goalkeeper na si Arjun Lasco matapos ang mainitang komprontasyon kay Jean Marc Sayegh.
Dahil wala nang substitute goalkeeper, si Vendiola mismo ang nagboluntaryong pumuwesto sa goal — kahit hindi siya natural na keeper.
At naging matagumpay ang sugal.
Sa huling pag-atake ng Enderun, nakawala si Tom at nagpakawala ng mapanganib na tira, ngunit nagawa itong harangin ni Vendiola gamit ang kanyang katawan upang tuluyang maselyuhan ang kampeonato ng ADC.
“Yung sipa ng Enderun, kinakabahan din ako siyempre. Hindi ako keeper eh. Ayun, buti nga na-save ko at safe na,” ani Vendiola.
Nagpasalamat naman si Schröck matapos madagdagan muli ang kanyang mahabang listahan ng tagumpay sa football.
“Napakalaking bagay na may ganitong entablado kung saan maipapakita namin ang pinaghihirapan namin. Malaking pasasalamat sa PFF at PSC para sa inisyatibong ito,” ani niya.
Sa kabuuan, nagtapos ang inaugural PFF Futsaliga na may 32 koponan, apat na dibisyon, at 144 laban — patunay ng lumalaking interes sa futsal sa bansa matapos idaos ng Pilipinas ang kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup 2025 noong 2025.
Sa iba pang resulta, nasungkit ng University of Asia and the Pacific ang bronze medal matapos talunin ang Philippine Women’s University, 2-0.
Samantala, tinanghal namang kampeon sa Plate division ang Tondo FC matapos tambakan ang PUP Radicals, 11-4. Naging bida rito si MJ Libre nang umiskor siya ng limang goal upang maagaw kay Theo Appiah ang Golden Boot Award.
Tinapos naman ng University of Makati at Sporting QC ang torneo sa ikapito at ikawalong puwesto, ayon sa pagkakasunod. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com