HALOS matunaw ang malaking kalamangan ng Barangay Ginebra San Miguel pero nakaligtas pa rin kontra Rain or Shine Elasto Painters, 109-101, sa Game 2 ng Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup semifinals nitong Biyernes sa SM Mall of Asia Arena.
Tambakan na sana matapos rumatsada ang Gin Kings sa 62-40 halftime lead, pero biglang nagliyab ang Elasto Painters sa second half at nakalapit pa sa 103-99 may 32 segundo na lang sa laro.
Buti na lang at sumalaksak si Troy Rosario ng importanteng layup bago isinelyo ni RJ Abarrientos sa free throws ang panalo ng Ginebra.
Rumatsada si Justin Brownlee ng 31 puntos, 15 rebounds at walong assists para pamunuan ang Gin Kings.
Dumagdag si Abarrientos ng 25 puntos habang nagposte naman si Japeth Aguilar ng 14 puntos at 12 rebounds.
Sa panig ng ROS, nanguna si Adrian Nocum na may 20 puntos habang may tig-19 naman sina Jaylen Johnson at Jhonard Clarito.
Tabla na ngayon sa 1-1 ang serye at muling maghaharap ang dalawang koponan sa Game 3 ngayong Linggo sa MOA Arena.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com