NANGUNA ang Philippine Army sa mga paligsahan sa athletics matapos mag-uwi ng tig-isang gintong medalya ang mga national athlete na sina Janry Ubas, Melvin Calano at Sarah Dequinan sa pagtatapos ng field events ng 1st PSC-AFP Philippine Uniformed Services as One (PUSO) Games kahapon sa PhilSports Track Oval sa Pasig City.
Nagtala ng 6.56 metro si Army Pvt. Ubas upang masungkit ang ginto sa men’s long jump. Pumangalawa ang kapwa sundalong si Harry Diones na may 6.46 metro para sa pilak, habang bronze medal naman ang napunta kay Seaman 2nd Class Aries Toledo sa kanyang 6.26 metro.
Naghari rin si Army Pvt. Calano sa men’s javelin throw matapos magtala ng 56.04 metro, habang nanguna naman si Dequinan sa women’s division sa kanyang 42.94 metrong hagis.
Kapwa naging gold medalist sina Calano at Dequinan sa 2019 Southeast Asian Games na idinaos sa Pilipinas.
Nakumpleto naman ni Airwoman Diane Shyr Tarranza ang kanyang ikatlong gintong medalya matapos magwagi sa women’s long jump sa layong 5.67 metro. Nauna na siyang nagkampeon sa dalawang event sa track competitions dalawang linggo na ang nakalipas.
Naging dikdikan ang labanan sa men’s high jump kung saan nakakuha ng ginto si Airman Ryan Cacho sa 1.88 metro. Naiwan sa ikalawang puwesto si Ubas na may 1.82 metro, habang bronze medalist si Pvt. First Class Kevin Caparal sa 1.70 metro.
Dalawang gintong medalya naman ang naiuwi ng Philippine Coast Guard sa pangunguna nina Jerby Deriada at Rhea Joy Sumalpong.
Nanguna si Deriada sa men’s shot put sa kanyang 12.49 metrong hagis, habang naghari si Sumalpong sa women’s division sa layong 11 metro.
Sa arnis, lalo pang pinatatag ng Army ang dominasyon matapos makopo ang limang ginto at apat na pilak. Nakakuha naman ang Air Force ng apat na ginto, dalawang pilak at isang tanso.
May tatlong pilak at tatlong tanso ang Philippine National Police, habang apat na tansong medalya ang naiuwi ng Philippine Navy.
Sa pangkalahatang talaan ng medalya hanggang alas-1 ng hapon kahapon, nanatili sa unahan ang Army taglay ang 49 ginto, 41 pilak at 34 tanso.
Humahabol sa ikalawang puwesto ang Air Force na may 44-27-26, kasunod ang PNP (14-24-40), Navy (13-18-41) at Coast Guard (3-1-5). (PSC/HNT)
