Pilipinas, binigyang-pugay sa 75 taon sa FIVB

AVC Ramon Tats Suzara PNVF Atty Miko Suarez FIVB

KINILALA ng International Volleyball Federation (FIVB) ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang umabot na sa 75 taon ang pagiging miyembro ng pandaigdigang samahan ng volleyball.

Kasabay nito, pinuri rin ng FIVB ang matagumpay na pagho-host ng bansa sa 2025 Men’s World Championship sa Maynila at ang nakatakdang pagsasagawa ng 2029 Women’s World Championship sa Cebu.

Kinatawan ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) executive director Atty. Miko Suarez ang bansa sa ika-40 FIVB World Congress na ginanap noong Nobyembre 20 hanggang 22 sa Punta Cana, Dominican Republic.

Personal namang tumulong sa paggawad ng plake si Asian Volleyball Confederation (AVC) president Ramon “Tats” Suzara, na isa ring executive vice president ng FIVB.

“Isang makasaysayang sandali ito para sa Pilipinas sa world congress na dinaluhan ng lahat ng 222 national federations ng FIVB,” pahayag ni Suzara.

Binigyang-pansin din aniya ang Pilipinas kasunod ng matagumpay na pagdaraos ng Men’s World Championship noong 2025 sa Maynila, habang inaabangan na rin ng FIVB at mga miyembro nito ang hosting ng bansa sa Women’s World Championship sa 2029.

Hindi nakadalo si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio dahil sa kanyang mga tungkulin kaugnay ng pagho-host ng Maynila sa 48th ASEAN Summit. Gayunman, nagpadala siya ng video message na ipinalabas sa kongreso noong Nobyembre 20.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gregorio na mahalagang bahagi ng pag-unlad ng volleyball ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa men’s world championship noong nakaraang taon.

Binigyang-diin din niya ang potensiyal ng Cebu bilang bagong sentro ng sports tourism at tahanan ng masiglang komunidad ng volleyball.

Dagdag pa ni Gregorio, patuloy na palalakasin ng PSC ang grassroots development upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maabot ang kanilang potensiyal sa volleyball.

Samantala, pinangunahan din ni Suzara ang pakikipagpulong ng AVC sa mga miyembrong national federation upang talakayin ang kinabukasan ng volleyball at higit pang patatagin ang ugnayan ng mga bansa sa pagpapaunlad ng naturang sports. (AVC/HNT)