U-19 Sepak Takraw tungo sa Olympics, pinalalakas sa Pilipinas — ASTAF

ASTAF Sepak Takraw

MALAKING hakbang tungo sa pagpapalawak ng sepak takraw sa buong mundo at pangarap nitong makapasok sa Olympic Games ang pagsasagawa ng kauna-unahang ASTAF U19 Asian Sepak Takraw Championships sa Pilipinas.

Ito ang binigyang-diin ni Asian Sepak Takraw Federation (ASTAF) president Datuk Abdul Halim Kader sa press conference kahapon sa PSC Media Center sa Malate, isang araw bago ang pagbubukas ng torneo sa Huwebes sa Rizal Memorial Coliseum.

Ayon kay Kader, malaking oportunidad ang torneo para sa mga batang atleta sa Asya na maipakita ang kanilang talento, magkaroon ng karanasan sa international competition at maihanda ang susunod na henerasyon ng mga kampeon.

“Hindi lamang ito basta kompetisyon kundi isang mahalagang puhunan para sa kinabukasan ng sepak takraw,” ani Kader.

Sinabi rin ng opisyal na isa sa mga dahilan kung bakit ipinagkaloob sa Pilipinas ang hosting rights ay ang matagumpay na pagsasagawa nito ng sepak takraw competition noong 2019 Southeast Asian Games.

Pinangunahan noon ng Philippine Sepak Takraw Association Inc. (PSTAI), sa pamumuno ni president Karen Tanchanco Caballero, ang maayos na pagdaraos ng naturang kompetisyon.

Ayon kay Kader, bahagi rin ng hakbang ang torneo sa hangarin ng International Sepak Takraw Federation (ISTAF) na makilala bilang miyembro ng International Olympic Committee (IOC).

Aniya, kabilang sa mga kailangang maisakatuparan ang pagdaraos ng mga international youth tournament at kompetisyon para sa kababaihan.

Umaasa rin ang ASTAF chief na magsisilbing panimula ang unang edisyon ng torneo sa mas malawak na pag-unlad ng sports, bago ang ikalawang staging nito sa Chinese Taipei makalipas ang dalawang taon.

Samantala, kasabay ng torneo ang technical course na sinimulan kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City na pinangungunahan ni Kader.

Tatlumpung local technical officials mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang sumasailalim sa pagsasanay hanggang bukas upang higit na mapahusay ang kanilang kaalaman at kakayahan.

Ayon kina Kader at ASTAF deputy secretary general Muhammad Fariq Abdul Halim, bibigyan ng pagkakataon ang mga makapapasa na maging opisyal sa mga international competition, kabilang ang posibilidad na makapaglingkod sa mismong U-19 Asian Championships. (PSC/HNT)