AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA PAGSISIMULA pa lang ng linggo, nagulantang ang Senado at maging ang mga opisyal at empleyado nito. Hindi ito dahil sa coup na nagresulta sa pagpapalit kay Senator Tito Sotto ni Senator Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Ang mas seryosong usapin ay ang ginawa ni Sotto na itinuturing na paglapastangan sa Senado bilang institusyon.
Noong weekend pa lang, dama na ni Sotto na posibleng mawala sa kanya ang puwesto bilang SP. Bukod sa paghahanap ng suporta mula sa kanyang mga kaalyado, lumapit din siya sa mga nasa labas ng Senado. Alam niyang darating si Senator Bato dela Rosa upang bumoto para sa bagong pinuno ng Senado. Dahil dito, nakipag-ugnayan siya sa National Bureau of Investigation (NBI) at kay ex-Senator Sonny Trillanes upang abangan si Dela Rosa at dakpin ito pagdating sa plenaryo.
Kasunod nito, inatasan ni Sotto ang Sergeant-at-Arms ng Senado na tumulong sa NBI sa planong pag-aresto kay dela Rosa. Pinatuloy pa niya si Trillanes sa kanyang opisina at pinakain ang 15 NBI agents. Matapos iyon, inabisohan niyang magtalaga ng ahente sa bawat floor ng Senate building upang bantayan ang pagdating ni Dela Rosa.
Sa isang media interview, isiniwalat ni Senate President Cayetano na kinompirma ni NBI Director Melvin Matibag na may pahintulot ni Sotto ang pagpunta ng mga tauhan nito sa Senado.
Matagal nang sinusunod sa Senado ang inter-parliamentary courtesy, isang tradisyon ng paggalang sa kapwa mambabatas at sa dignidad ng institusyon. Ngunit tila hindi ito pinahalagahan ni Sotto, gayundin ang mga tanong ukol sa legalidad at parliamentary norms, dahil sa umiigting na tunggalian sa liderato at sa kanyang kagustuhang manatili sa puwesto.
Natuloy ang coup at napalitan si Sotto, ngunit naipatupad na ang mga plano na kanyang inihanda. Nauwi sa kaguluhan ang sesyon sa unang araw ng linggo. Nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng NBI at ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado, at isang miyembro ng OSAA security force ang binugbog ng isang NBI agent. Kawawa ang nasabing personnel. Nagkaroon din ng pagtatalo sa pagitan ng mga supporter ni Dela Rosa at mga NBI agent na armado ng assault rifles sa labas ng compound.
Habang nagaganap ang mga ito, tila nagagawa pang matawa ni Sotto sa mga hakbang na kanyang ginawa upang matiyak ang bilang ng suportang kailangan para manatili bilang Senate President. Hindi niya naingatan ang dignidad ng institusyon dahil sa kanyang matinding pagkapit sa puwesto. Nakahihiya ang mga nangyari sa Senado. At si Sotto ang dahilan kung bakit nagmistulang circus ang upper chamber sa pagbubukas nito noong Lunes.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com