AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
ANG sabi kapag umikot ang ‘roleta’ at natapat sa ilalim, wala kang magagawa, olat ka.
Ganyan kasimple ang mga regulasyon sa peryahan. Kapag inabot ng alat, tanggapin. Kapag inulan ng suwerte, magpasalamat.
Pero hindi ganyan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Sa mga lugar na nagpapaligsahan ang dunong at katuwiran, pulbusan o durugan ng basehan ang nagpapasya para makamit ang pangingibabaw.
Sa nakaraang eksena sa Senado kamakailan, biglang nag-walkout ang miyembro ng Minority dahil sa usapin ng online at electronic voting.
‘Yun bang parang nagulat sila at ngayon lang nila narinig ang konsepto ng remote participation sa lehislatura.
Pero heto ang masakit na katotohanan: mismong ilan sa kanila ang unang nagsulong nito noon.
Inihain ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson kasama ni dating Senate President Franklin Drilon ang Proposed Senate Resolution No. 51 noong 13 Hulyo 2019. Layunin nitong payagan si dating Senadora Leila de Lima — na noon ay nakakulong — na makadalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing.
Sa mismong paliwanag ng resolusyon, sinabi noon na ang kawalan ng isang halal na senador sa mga sesyon ay “unduly deprives” o nagkakait sa milyon-milyong Filipino nang tamang representasyon sa Senado. Dagdag rito, nababawasan ang “collective wisdom” ng buong kapulungan kapag hindi nakikilahok ang isang miyembro sa mga deliberasyon.
Noong 23 Pebrero 2021 naman, muling isinulong ang konsepto ng remote participation sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 658. Inihain ito ni Drilon kasama nina Senadora Risa Hontiveros, Senador Kiko Pangilinan, at dating Senador Ralph Recto.
Sa pagkakataong iyon, mas pinalawak pa ang panukala. Hindi na lamang plenary sessions ang sakop kundi maging committee hearings, gamit ang electronic communications at online platforms.
Sa madaling salita, noon ay malinaw na malinaw ang kanilang posisyon: puwedeng gamitin ang teknolohiya upang matiyak na may representasyon ang mamamayan kahit may extraordinary circumstances.
Kaya ngayon, marami ang nagtatanong: ano ang nagbago?
Kung noon ay ipinipinta nila ang remote participation bilang makatao, makabago, at demokratikong hakbang, bakit ngayon ay tila ipinapakitang banta ito sa integridad ng Senado?
Hindi tuloy maiwasang makita ng publiko na ito ay isang malinaw na halimbawa ng political convenience.
Kapag kakampi ang makikinabang, “historic” at “progressive” ang polisiya. Pero kapag hindi na akma sa kasalukuyang interes pampolitika, bigla itong tatawaging delikado o iregular.
At dito mas nasisira ang kredibilidad ng ilang politiko.
Dahil ang prinsipyo, kapag tunay na prinsipyo, hindi dapat nagbabago depende sa kung sino ang nakaupo o sino ang pinoprotektahan.
Mas lalo pang lumala ang impresyon nang piliin ng ilang senador ang mag-walkout imbes makipagdebate.
Ang Senado ay hindi classroom na puwedeng layasan kapag hindi gusto ang takbo ng usapan. Hindi rin ito entablado para sa dramatikong eksena na madaling gawing headline.
Ang trabaho ng senador ay makipagdiskusyon gamit ang argumentong may basehan, hindi ang paglikha ng political spectacle.
At ang totoo, hindi naman bago ang hybrid setup at electronic voting. Noong panahon ng COVID-19 pandemic, pormal itong kinilala at isinabatas sa ilalim ng Senate Resolution No. 43, na inamyendahan pa ang Rules 22 at 41 upang payagan ang hybrid sessions at remote voting kapag may national emergency o force majeure.
Ibig sabihin, hindi ito basta imbento lamang ng kasalukuyang Senado. Dumaan ito sa proseso, deliberasyon, at mismong pag-aproba ng institusyon.
Sa palagay ninyo, online voting ba ang tunay na usapin dito.
Pero may isa pang mas malaking tanong: paano pagkakatiwalaan ng publiko ang mga lider na kayang baliktarin ang sarili nilang mga argumento kapag nag-iba ang ihip ng politika?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com