MAYNILA, Filipinas — Iginiit ng mga militanteng labor at consumer groups sa Kongreso na agad imbestigahan at suspendihin ang kontrobersiyal na Public-Private Partnership (PPP) deal sa Ninoy Aquino International Airport matapos umanong mabunyag ang seryosong paglabag sa kasunduan at banta sa pambansang seguridad.
Sa magkasanib na pahayag ng Political Officers League of the Philippines (POLPhil), Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at National Confederation of Labor — mga kasapi ng PUSO ng NAIA — kinondena nila ang patuloy na kawalan ng Independent Consultant (IC), ang neutral na grupong dapat nagbabantay sa implementasyon ng privatization deal na hawak ngayon ng San Miguel-led New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC).
Ayon sa mga grupo, malinaw na paglabag sa concession agreement ang kawalan ng Independent Consultant habang tuluy-tuloy na pinatatakbo ng pribadong operator ang pangunahing paliparan ng bansa mula pa noong Setyembre 2024.
“Malaking babala sa publiko ang kawalan ng independent consultant mula pa noong unang araw ng takeover ng NNIC,” ani Ricardo Serrano ng POLPhil.
“Kung walang independent oversight, malayang naipapasa sa mamamayan ang dagdag-singil habang walang malinaw na beripikasyon sa mga ipinagmamalaking upgrades, ani Serrano.
Para kay Leody De Guzman, chairman emeritus ng BMP, hindi na simpleng teknikal na usapin ito kundi tahasang pananagutan sa sambayanan. “Bawat safeguard sa PPP agreement ay inilagay para protektahan ang publiko, hindi para balewalain,” diin ni De Guzman.
“Kung puwedeng isantabi ang mandatory oversight habang tuloy ang koleksiyon ng bilyong piso mula sa mamamayan, dapat kumilos ang Kongreso at papanagutin ang mga responsable.”
Binatikos din ng mga grupo ang sunod-sunod na pagtaas ng passenger fees, aircraft charges, at renta sa loob ng NAIA kahit wala pang independiyenteng pagsusuri sa mga proyekto at singilin. “Habang baon sa hirap ang mga pasahero, OFWs, at ordinaryong taxpayers, lalo silang kinukuba ng dagdag-singil na walang malinaw na batayan,” pahayag ni Glecy Naquita ng NCL. “Karapatan ng publiko na malaman kung para ba talaga sa serbisyo ang mga bayaring ito o para lamang palakihin ang tubo ng pribadong operator, ani Naquita.
Nagbabala rin ang alyansa na mapanganib ang sobrang kontrol ng pribadong sektor sa operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa, lalo’t direktang konektado ang NAIA sa border protection, anti-trafficking operations, anti-smuggling efforts, emergency response, at pambansang seguridad.
“Hindi negosyo lang ang NAIA — bahagi ito ng pambansang seguridad,” dagdag ni Naquita. “Sa gitna ng tumitinding tensiyon sa rehiyon, hindi dapat isinusuko ng gobyerno sa pribadong interes ang kontrol sa pangunahing paliparan ng bansa.”
Dahil dito, nananawagan ang PUSO ng NAIA sa Senado at Kamara na: Imbestigahan ang sinabing paglabag sa concession agreement bunsod ng delayed independent consultant; suriin kung lumabis na ang kontrol ng pribadong sektor sa operasyon ng NAIA; alamin ang epekto nito sa pambansang seguridad; busisiin ang basehan ng airport upgrades at dagdag-singil; at suspendihin, repasohin, o kanselahin ang mga probisyon ng PPP deal na mapatutunayang laban sa interes ng mamamayan.
“Pag-aari ng sambayanang Filipino ang NAIA,” pagtatapos ng alyansa. “May karapatan ang taong-bayan na tutulan ang kahit anong kasunduang inuuna ang tubo ng pribadong korporasyon kaysa serbisyo publiko, pananagutan, at pambansang interes,” pahayag ng alyansa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com