Saturday , June 20 2026
Editorial

Timbangin natin:
PANANAW NG SENATE MINORITY SENATORS,DOUBLE STANDARD NGA BA?

Senators Walkout

TULOY-TULOY pa rin ang ‘mainit’ na sitwasyon ngayon sa Senado.

        Nagsimula ito noong hindi pumirma ang mga dapat pumirma sa report ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa flood control projects.

        At habang pinag-uusapan sa Kamara ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio, namumuro ang higing na mayroong ‘magbabalik’.

        Sinundan ito ng pagpapalit ng liderato o kudeta na napagtagumpayan ng dating minority group nang dumating si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ang ika-13 boto para tuluyang mapatalsik si Senator Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President.

        Bago ang pagpapalit ng liderato, nagkaroon ng habulan at girian para dakpin si Gen. Bato, na sinabing kasama sa asuntong inihain ng International Criminal Court (ICC) laban sa mga pasimuno ng extrajudicial killings (EJK) sa inilunsad na gera laban sa droga noong panahon ni dating Presidente Rodrigo Duterte.       

        At nang mapalitan ang liderato, nagkaroon naman ng putukan sa Senado, courtesy by Senator Dela Rosa’s Mistah na si Major Mao Aplasca.

Pero sabi nga, kahit ano ang mangyari dapat tuloy ang trabaho. And here comes the present Senate majority, gumagawa sila batay sa kanilang pananaw na dapat ituloy ang pagseserbisyo sa bayan.

        At dahil nasa gitna sila ng mga krusyal na pagdedesisyon sa mga susunod na araw, kailangang estabilisado ang kanilang hanay.

        Kaya hindi na nakapagtataka na ilaban nilang makaboto o makalahok sa mga online na talakayan ang kasama nila sa mayorya na si Senador Bato na hanggang ngayon ay nagtatago dahil sa banta ng pag-aresto.

Hindi nakapagtataka na hindi inilaban ng mayorya si Senador Bato kasi nga lagi nilang kailangan ang boto nito.

        Dito, biglang nag-walkout ang miyembro ng Minority dahil sa usapin ng online at electronic voting — parang ngayon lang nila narinig ang konsepto ng remote participation sa lehislatura.

Pero alalahanin natin, mismong ilan sa kanila ang unang nagsulong nito noon.

Noong 31 Hulyo 2019, inihain ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson kasama ni dating Senate President Franklin Drilon ang Proposed Senate Resolution No. 51. Layunin nitong payagan si dating Senadora Leila de Lima — na noon ay nakakulong — na makadalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing.

Sa mismong paliwanag ng resolusyon, sinabi noon na ang kawalan ng isang halal na senador sa mga sesyon ay “unduly deprives” o nagkakait sa milyon-milyong Filipino nang tamang representasyon sa Senado. Dagdag pa rito, nababawasan umano ang “collective wisdom” ng buong kapulungan kapag hindi nakikilahok ang isang miyembro sa mga deliberasyon.

Noong 23 Pebrero 2021, muling isinulong ang konsepto ng remote participation sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 658. Inihain ito ni Drilon kasama nina Senadora Risa Hontiveros, Senador Kiko Pangilinan, at dating Senador Ralph Recto.

Sa pagkakataong iyon, mas pinalawak pa ang panukala. Hindi na lamang plenary sessions ang sakop kundi maging committee hearings, gamit ang electronic communications at online platforms.

Sa madaling salita, noon ay malinaw na malinaw ang kanilang posisyon: puwedeng gamitin ang teknolohiya upang matiyak na may representasyon ang mamamayan kahit may extraordinary circumstances.

Kaya ngayon, marami ang nagtatanong: ano ang nagbago?

        Kung noon ay ipinipinta nila ang remote participation bilang makatao, makabago, at demokratikong hakbang, bakit ngayon ay tila ipinapakita itong banta sa integridad ng Senado?

Hindi tuloy maiwasang makita ito ng publiko bilang isang malinaw na halimbawa ng political convenience.

Kapag kakampi ang makikinabang, “historic” at “progressive” ang polisiya. Pero kapag hindi na akma sa kasalukuyang interes pampolitika, bigla itong tatawaging delikado o iregular.

At dito mas nasisira ang kredibilidad ng ilang politiko.

Dahil ang prinsipyo, kapag tunay na prinsipyo, hindi dapat nagbabago depende sa kung sino ang nakaupo o sino ang pinoprotektahan.

Mas lalo pang lumala ang impresyon nang piliin ng ilang senador ang mag-walkout imbes makipagdebate.

Ang Senado ay hindi classroom na puwedeng layasan kapag hindi gusto ang takbo ng usapan. Hindi rin ito entablado para sa dramatikong eksena na madaling gawing headline.

Ang trabaho ng senador ay makipagdiskusyon gamit ang argumentong may basehan, hindi ang paglikha ng political spectacle.

At ang totoo, hindi naman bago ang hybrid setup at electronic voting. Noong panahon ng COVID-19 pandemic, pormal itong kinilala at isinabatas sa ilalim ng Senate Resolution No. 43, na inamyendahan pa ang Rules 22 at 41 upang payagan ang hybrid sessions at remote voting kapag may national emergency o force majeure.

Ibig sabihin, hindi ito basta imbento lamang ng kasalukuyang Senado. Dumaan ito sa proseso, deliberasyon, at mismong pag-aproba ng institusyon.

        Sa huli, hindi online voting ang tunay na usapin dito.

Ang mas malaking tanong ay ito: paano pagkakatiwalaan ng publiko ang mga lider na kayang baliktarin ang sarili nilang mga argumento kapag nag-iba ang ihip ng politika? (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Gibo Teodoro Atty Russel Miraflor

Sec. Gibo Teodoro, inasunto  sa citizenship

PORMAL na naghain ng reklamo ang isang grupo sa pamumuno ni Atty. Russel Miraflor laban …

North Genesis Bus

24  North Genesis bus pinatawan ng suspensiyon sa Baguio City road crash

PINATAWAN ng suspensiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 24 …

Sipat Mat Vicencio

Gulo sa Senado, tinapos ni Sen. Joel Villanueva

SIPATni Mat Vicencio NITONG nakaraang dalawang linggo, naging sentro ng kontrobersiya ang Senado dahil sa …

Firing Line Robert Roque

PhilHealth: Isang walang-pusong kabiguan

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAY mga trahedyang hindi na kayang pagaanin ng kahit …

Isko Moreno Limang suspek arestado sa pagbebenta ng expired na pagkain sa Quiapo

Limang suspek arestado sa pagbebenta ng expired na pagkain sa Quiapo

ARESTADO ang limang indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng mga expired na pagkain sa Quiapo, …