INIHAIN ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang isang panukalang batas na layong bumuo ng Executive-Legislative Labor Commission o LabCom na tututok sa pagtukoy ng tamang sahod o “living wage” at sa pagbibigay ng mas matibay na proteksiyon sa mga manggagawang Filipino.
Inihain nitong 3 Hulyo 2025, layon ng Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) Act of 2025 na magtatag ng isang komisyon na magiging pangunahing tagapayo ng pamahalaan pagdating sa mga isyung pangmanggagawa.
Tututukan nito ang mga problema sa kakulangan ng sahod, underemployment, hindi tugmang skills at trabaho, at ang proteksiyon para sa mga nasa informal sector.
Gagawa rin ang komisyon ng National Labor Roadmap at ire-refer ito sa Trabaho Para sa Bayan Council na maglalatag ng mga hakbang kung paano mararating ang layuning ito. Ihahain nila ang mga rekomendasyon sa Kongreso at sa Pangulo.
“This body will convene representatives from Congress, the Executive branch, Micro, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs), trade and industry, and the labor sector, including the migrant and informal sectors, to collectively pursue a sustainable solution to the living wage issue,” oahayag ni Cayetano.
Aniya, mahalaga ang komisyong ito para malaman kung magkano talaga ang kailangan ng isang pamilya para sa kanilang edukasyon, kalusugan, pabahay, koryente, tubig, at maging internet connection.
Ikinompara niya ang panukala sa naunang mga tagumpay ng EDCOM I at II (Congressional Commission on Education) na nakatulong sa paggawa ng mga solusyon sa sektor ng edukasyon.
Binigyang diin ni Cayetano ang papel ng co-authors na sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senator Pia Cayetano sa EDCOM II bilang patunay na kaya ng ganitong klaseng pagtutulungan na makapaghatid ng tunay at makabuluhang pagbabago.
“In my experience, as with Senator Pia Cayetano and Senate President Chiz Escudero’s, these are in nature the same arguments we faced with education… EDCOM I and II produced effective, concrete, and actionable recommendations,” wika niya.
Naniniwala si Cayetano na makatutulong ang LabCom para mapanatili ang dignidad ng trabaho at mapigilan ang pag-alis ng mga Filipino sa bansa para maghanap ng trabaho sa ibayong dagat.
“Not only will this bring us closer to realizing the just and humane society envisioned by our Constitution, it will also help end the endless stream of Filipinos who are forced to leave their homes and families for what they hope would be greener economic pastures continue,” wika niya.
Para sa senador, tulad ng nagawa sa edukasyon sa pamamagitan ng EDCOM, panahon na para gawin din ito para sa sektor ng paggawa.
“We’ve done it for education through EDCOM — now let’s do it for labor,” wika niya. (NIÑO ACLAN)