
ni Niño Aclan
HANGGANG ngayong araw, 1 Hunyo, ang ultimatum na ibinigay ng impeachment court kay Vice President Sara Duterte – Carpio para sagutin ang inihaing Articles of Impeachment ng Kamara laban sa kanya.
Matapos magtilon ang senado bilang impeachment court ay agad naglabas ng summons para tumugon ang kampo ng bise presidente sa loob ng sampung (10) araw.
Inihayag ni impeachment clerk of court Senate Secretary Atty. Jose Luis Montales, handa ang korte na tanggapin ang ihahain ng kampo ng bise presidente.
May dalawang opsiyon o pagpipilian ang VP sa paghahain ng tugon: personal o via email.
Kung personal, maaaring ihain ang sagot sa pamamagitan ng kanyang legal team puwede siyang sumama kung nanaisin niya.
Tanging ang Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB) ang opisyal na magsasagawa ng dokumentasyon.
Ngunit maari namang magkaroon ng media coverage sa Quezon at Tolentino rooms sa ikalawang palapag ng gusali na itinalagang media holding at coverage area.
Papayagan ng impeachment court na humarap sa media ang legal team ng bise presidente kung gusto nila.
Sa sandaling matanggap ng korte ang tugon ng bise presidente ay padadalahan ng summons ang prosecution team.
Limang araw ang itinatakda para sumagot ang prosekusyon bago ang paghaharap ng mga pangalan ng testigo at mga ebidensiya bago magsimula ang paglilitis.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com