
ni NIÑO ACLAN
OPISYAL nang nagpulong ang Senado kahapon bilang impeachment court para sa isasagawang paglilitis kay Vice President Sara Zimmerman Duterte – Carpio.
Sa kabila ng mga higing na mayroon muling pagpapalit ng liderato, napanatili ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pamumuno sa mataas na kapulungan sa kabila ng isang linggong kaguluhan. Naroon ang 23 senador liban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Suot ang kanilang “maroon robes” sinimulan ang proseso sa pagpapanumpa ni Sen. Camille Villar kay Cayetano na uupo bilang presiding officer ng korte.
“I will do impartial justice according to the Constitution, and the laws of the Philippines, so help me God,” bahagi ng panunumpa ni Cayetano.
Kasunod ang magkakasabay na pinanumpa ni Cayetano ang 22 senator-judges.
Kaugnay nito, magpapadala ang Senado ng “writ of summons” kay VP Duterte na inatasan maghain ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw. Inatasan din si Duterte na magpakita sa session hall ng Senado sa sandaling siya ay ipatawag.
Inatasan ang Sergeant-at-Arms ng Senado na magdala ng summons kasama ang kopya ng Articles of Impeachment.
Ayon kay Cayetano, ang prosecution panel ay maaaring maghain ng kanilang sagot sa loob ng limang araw pagkatapos matanggap ang sagot.
Noong Miyerkoles ng gabi, 13 Mayo, ipinadala ng House of Representatives sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com