INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kaso sina Sen. Jinggoy Estrada, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, at ilan pang personalidad na sangkot sa sinabing maanomalyang flood control projects.
Kabilang sa mga kasong inirekomenda ng DOJ ang plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, receiving gifts by public officers, at corruption of public officials.
Kinilala ang iba pang respondents na sina dating DPWH officials Bong Dinglasan, Engr. Denryl Caesar Cortuna, Asst. Engr Manny Bulosan, at Engr. Arturo Gonzales, Jr.
Ibinasura ang reklamo laban sa yumao nang si dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
Hindi rin isinama sina dating DPWH officials Roberto Bernardo, Henry Alcantara, at Gerard Opulencia sa isinapinal na criminal information na ihahain sa korte, kapalit ng pagtestigo.
Sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, nag-ugat ang resolusyon kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation-Department of Justice (NBI-DOJ) Public Works and Bid-Rigging Task Force.
Saklaw ng imbestigasyon ang iba’t ibang ebidensiya kabilang ang legislative records, Position Description Forms, at sworn transcripts mula sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong 14 Nobyembre 2025, na nagdetalye ng ilegal na pagmamaniobra at sinasabing 30% cuts kaugnay ng regional flood control projects. (May kasamang ulat ni NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com