TARGET ng Philippine National Police (PNP) na bawasan ang timbang ng matatabang pulis sa pamamagitan ng pagbabalik ng “Pulisteniks”.
Sa pagbabalikng “Pulisteniks” bilang katugunan sa direktiba ni PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III, tiyak na maraming matatabang pulis ang papayat o magiging mas maayos ang kalusugan.
Ang Pulisteniks ay bahagi ng physical fitness conditioning program ng PNP.
Ayon kay Gen. Torre, ang regular physical conditioning program o mas kilala bilang “Pulisteniks” ay gagawin tuwing Martes at Huwebes.
“This initiative is not just about stretching or running laps. It is about recognizing a simple truth that too often gets overlooked: A healthy body is a healthy mind,” pahayag ni Torre.
Dagdag ni Torre, dapat gawing bahagi ng lifestyle ng isang pulis ang pagiging malusog, pagkakaroon ng malinaw na isipan, matatag ang loob, at mabilis ang kilos.
Sa pagkakaroon ng maayos na pangangatawan ng mga pulis, magagampanan nila nang maayos ang kanilang mandato.
Umaasa si Deputy Chief PNP for Administration, Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na susunod ang lahat ng pulis para mas epektibong PNP. (ALMAR DANGUILAN)