INATASAN ng Commission on Elections (COMELEC) ang law department ng ahensiya na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa posibleng kasong kriminal laban kay Lino Edgardo S. Cayetano, natalong kandidato bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Taguig, dahil sa sinabing paglabag sa Omnibus Election Code matapos ang kanyang pagkatalo sa halalan noong 12 Mayo 2025.
Sa resolusyong inilabas ng COMELEC First Division noong 18 Hunyo 2025, idineklarang “moot and academic” ang petisyon na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Cayetano, bunsod ng kanyang pagkatalo. Ngunit, iginiit na hindi nito ipinawawalang-bisa ang posibleng pananagutang kriminal kaugnay ng misrepresentasyon sa kanyang COC.
“The criminal aspect of the case must be referred to the Law Department for preliminary investigation,” ayon sa resolusyon.
Binigyang-diin ng COMELEC ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Lanot v. COMELEC, kung saan ipinunto ang pagiging hiwalay at independiyente ng aspektong kriminal at elektoral sa mga kasong disqualification.
Ayon pa COMELEC: “REFER the records of this case to the Law Department of the Commission for the conduct of preliminary investigation for possible violation of election laws.”
Maaaring humantong ito sa pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Cayetano dahil sa material misrepresentation sa ilalim ng Section 78 ng Omnibus Election Code, na nagpaparusa sa mga kandidatong sinadyang magsumite ng maling deklarasyon sa kanilang COC. Kung mapatunayang nagkasala, maaaring masentensiyahan ng pagkakakulong, disqualification sa paghawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno, at pagbawi ng karapatang bumoto.
Kinuwestiyon sa reklamo ang pagiging lehitimo ng deklaradong tirahan ni Cayetano sa Pacific Residences, Barangay Ususan. Lumipat siya ng voter registration sa Ususan noong 28 Setyembre 2024 at naghain ng kandidatura makalipas lamang ng limang araw.
Batay sa mga isinumiteng affidavit, certification, at iba pang ebidensiya sa Election Registration Board at sa mga korte, napatunayang nananatili siyang naninirahan sa Essensa Condominium sa BGC, Fort Bonifacio—na bahagi ng Ikalawang Distrito ng Taguig. (NIÑO ACLAN)