UMAPELA sa mga pulis si Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Nicolas Torre III na kombinsihin ang publiko na gamitin o tumawag sa 911 hotline dahil epektibo ito para sa mabilis na pagresponde sa nagaganap na krimen at iba pang situwasyon.
Sa weekly flag raising ceremony sa Kampo Heneral Rafel Crame, sinabi ni Torre na marami pa ang hindi naniniwala na gumagana ang 911 hotline o hindi kaya ay nag-aalinlangan.
Ayon kay Torre, simula nang iimplementa ang 911 Hotline, umani na ang pulisya ng magagandang “feedback” mula sa mga natulungan ng mga pulis na tumawag sa nasabing help line kaya kinakailangan maipalaganap pa ang pagiging epektibo nito upang maraming matulungan.
“Huwag nang hanapin sa presinto ang mga pulis. Hindi na rin kailangan pang pumunta sa presinto dahil abot kamay na ang mga pulis sa telepono. Basta i-dial ang 911, darating ang pulis sa loob ng 5 minuto,” giit ni Torre. (ALMAR DANGUILAN)