SA LOOB lamang ng dalawag minuto, nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang 14 kawatan at narekober ang aabot sa P2,461,759 halaga ng mga nakaw na cable wire ng PLDT sa lungsod nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-in-Charge ng QCPD, ang mga nadakip na sina alyas Alejandre, 56 anyos, Joshua, 28, at Harimon, 20, pawang residente sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City; Carlo, 36, Jefferson, 19, Danilo, 54, Anderson, 27, at John, 27, mga residente sa Tondo, Maynila; Barmeo, 32, at Jeffrey, 21, kapwa residente sa Bacoor, Cavite; Ranie, 39, ng Las Piñas City; Julius, 29; Louie, 50, at Ben, 47, ng Sta. Cruz, Maynila.
Batay sa report ni P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, hepe ng Cubao Police Station 7, dakong 3:40 ng madaling araw nitong Linggo, 22 Hunyo, nakatanggap ng tawag ang mga opisyal ng barangay hinggil sa grupo ng mga kalalakihan na nagkarga ng mga cable wire sa isang trak sa kanto ng Mirasol St., at 20th Avenue, sa Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.
Agad iniulat ng barangay ang insidente sa mga tauhan ng PS 7, na nagpapatrolya sa malapit sa lugar.
Sa loob lamang ng dalawang minuto, dumating sa lugar ang mga pulis at nahuli ang mga suspek sa aktong isinasakay ang mga cable wire sa isang 6-wheeler aluminum van.
Narekober sa mga suspek ang 147 metro ng PLDT cable wires na nagkakahalaga ng P2,461,759, isang hacksaw, isang chain at isang six-wheeler Canter aluminum truck.
Sasampahan ang mga naarestong suspek ng kasong paglabag sa RA 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013. (ALMAR DANGUILAN)